Home Headlines Hybrid rice tungo sa ‘near rice sufficiency’ sa bansa

Hybrid rice tungo sa ‘near rice sufficiency’ sa bansa

503
0
SHARE
Ipinakita ni Ricardo Buenaventura ang kanyang sakahan na natatamnan ng hybrid rice sa Barangay Tabacao, Talavera. Kuha ni Armand Galang

TALAVERA, Nueva Ecija – Nanindigan ang isang eksperto at mga lider magsasaka mula Nueva Ecija at Tarlac na nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kamakailan na tama ang hybrid rice program upang makamit ang “near rice sufficiency” target ng kanyang administrasyon.

Naniniwala sina Dr. Frisco Malabanan, dating chief science research specialist ng Philippine Rice Research Institute at adviser ng Department of Agriculture Hybrid Rice Program, at mga lider ng iba’t ibang kooperatiba at samahan ng magsasaka na ang pagdaragdag ng mga lupang tinatamnan ng hybrid na binhi ay susi sa tagumpay ng programa sa pagkain.

Sa kabila ito ng pahayag ni dating Department of Agrarian Reform secretary at dating Anakpawis Party-list Rep. Rafael Mariano na negatibo ang magiging epekto ng hybrid program sa sektor ng agrikultura.

Ibinahagi ni Mariano ang kanyang reaksiyon matapos ihayag ni Marcos ang kanyang programa kasunod ng pakikipagpulong kina SL Agritech Corp. chairman and CEO Henry Lim Bon Liong kung saan kasama si Malabanan at nasabing mga lider magsasaka.

Inilarawan ni Malabanan ang hybrid bilang “yung palay na nagbibigay ng magandang ani, nagbibigay ng magandang kalidad ng bigas kapag ito’y ating niluto, may karagdagang katatagan sa peste at sakit ng palay at sa kabuuan ito po yung sagot sa tinatawag nating climate change sapagkat ito ay kinu-consider na isa sa mga resilient sa climate change.” 

Si Malabanan ay kasalakuyang consultant ng SL Agritech.

Ayon sa kanya, lumalabas sa datus ng DA na ang hybrid ay 40% na mas mataas ang ani kaysa karaniwang inbred, lalo pa’t nasusunod ang tamang protocol at pangangalaga dito.

Kabilang aniya rito ang tamang pagpili ng binhi para sa sakahang panag-araw at panag-ulan: “Magkaiba po ang performance ng palay kung tag-araw o tag-ulan.”  

Sa bahagi ng SL Agritech, sinabi ni Malabanan, na naglalagay sila ng mga technology demonstration farms sa pakikipagtulungan ng local government units, provincial at city o municipal agriculturists sa iba’t ibang lugar.

Batay sa programa, mula sa 1.5 milyon ektarya ngayong taon ay target ng pamahalaan na maitaas sa 2 milyon ektarya ang matatamnan ng hybrid rice sa 2024. Muli itong daragdagan ng ng 500,000 ektarya kada taon hanggang maging 3 milyon ektarya sa 2026.

Base sa ani na 10 metric tons bawat ektarya at farm gate price na P18 bawat kilo, ang isang magsasaka ay may benta na P180,000 bawat ektarya. Sa halagang ito, ani Malabanan, ay nasa P60,000 ang tinatayang gastos sa produksiyon para sa P120,000 na kita.

Ayon sa mga magsasaka nasa average na 8 mt hanggang 10 mt ang karaniwang ani kada ektarya ng kanilang itinatanim na SL8 variety.

Ang inbred, ayon kay Malabanan, ay karaniwang umaani ng 5 mt bawat ektarya.

Sa produksiyon, lumalabas aniya sa survey ng PhilRice na ang karaniwang inbred ay gumagastos ng P12 bawat kilo ng palay samantalang P6 hanggang P8 lamang sa hybrid.

Nitong Biyernes, ang farmgate price ng palay ay P19.50, batay sa benta ng isang magsasaka mula sa San Antonio, Nueva Ecija. 

Ayon kay Ricardo Buenaventura, chairman ng Nagkakaisang Magsasaka Agricultural-PMPC sa Barangay Tabacao ng bayang ito, hybrid ang bumago sa buhay ng kanilang mga miyembro na nagresulta sa pag-asenso ng kanilang kooperatiba.

Ang kanilang kooperatiba na itinatag noong 1989 ay nagpapatakbo na ngayon ng rice mill at nagbebenta ng bigas.

Ayon kay Buenaventura, nakapagbukas na rin sila ng banko kamakailan kung saan ay nagpapautang sa mga kasapi nito nang walang interes kung para sa agrikultura at kaunting tubo para sa ibang gamit. Handa na ring magpautang ang kanilang kooperatiba ng hanggang P18 milyon na business loan para sa kanilang miyembro, ani Buenaventura.

“Hybrid talaga ang nag-paunlad sa amin,” sabi niya. 

Ang iba pang liber ng organisasyon na nagpahayag ng suporta sa hybrid program ay kinabibilangan nina  Petronilo Ucol, chairman ng  Panabingan Multi-Puroose Coop sa San Antonio; Ramon Palomo, awardee ng pagsasaka sa ani na 300 kaban ng palay sa isang ektarya mula sa bayan ng Guimba; at Afredo Magdangal, pangkalahatang pangulo ng Irrigators’ Association (IA) sa lalawigan ng Tarlac.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here