IBA, Zambales (PIA) — Humigit kumulang dalawang libong kilo ng isda ang nahuli ng grupo ng mga mangingisda sa Zambales sa ilalim ng Lambaklad Project ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Ito ang pinakamataas na huli ng Alimbuhabo Fisherfolk Association mula sa bayan ng Botolan sa isang maghapon buhat ng maging benepisyaryo ng naturang proyekto noong nakaraang taon.
Ayon kay Joseph Bitara, BFAR Capture Fisheries Focal, may tatlong lambaklad na ang naipamahagi ng BFAR habang ang pang-apat ay kasalukuyang ginagawa pa lamang.
Sinabi naman ni Princess dela Rama, sekretarya ng grupo, na malaking improvement sa huli ng mangingisda ang idinulot ng proyektong ito.
Dati aniya ay mga small-traditional fishing gear lamang ang gamit ng 40 miyembro ng grupo sa kanilang pangingisda.
Daan-daang kilo ng alumahan, yellow fin tuna, salay-salay, tanigue talakitok ang nahuhuli ng asosasyon buhat ng ipinagkaloob ang naturang proyekto.
Ang lambaklad ay isang eco-friendly fish trap na sinimulang ipamigay ng BFAR upang madagdagan ang pang-araw-araw na huli ng mga mangingisda at mapalago ang kanilang kabuhayan
Layunin din ng proyektong ito na madagdagan ang supply ng isda sa mga komunidad. (CLJD/RGP-PIA 3)