LUNGSOD NG BALANGA — Payak ngunit makahulugan ang mga hugis-pusong palamuti na matatagpuan sa dalawang lugar sa nag-iisang lungsod na ito ng Bataan.
Ang mga palamuti, siyempre, ay nagpapaalaala na sa araw ng Linggo ay Araw ng mga Puso o Valentine’s Day.
Ang Plaza Mayor, tawag sa liwasang bayan ng Balanga, ay may malalaking mga hugis-pusong dekorasyon samantalang sa paligid ay ang tatlong four- to five-storey commercial building at city hall na iisa ang kulay ng façade.
Pares-pares ang mga pulang palamuti matangi sa isa na walang pareha at nag-iisa. Ang mga pares ay simbolo ng dalawang pusong nagmamahalan hindi lamang sa Araw ng mga Puso kundi sa habang panahon.
Ang nag-iisa, marahil, ay sumisimbolo sa nag-iisang pusong binubuno ang malalamig na gabi. Nag-iisa ngunit sa tindig nito ay tila kaya ang lahat ano man ang dumating sa kanyang buhay.
Halos isang kilometro naman ang layo mula sa Plaza Mayor ay ang marami ngunit maliliit na hugis-pusong palamuti na may iba-ibang kulay na nakahanay sa harap ng Peninsula Electric Cooperative, distributor ng kuryente sa Bataan.
Karamihan sa mga palamuti ay nakabitin sa tila mga hanger ng damit samantalang ang iba ay nakahanay sa gilid ng abalang Roman Expressway.
Maraming hugis-pusong maliliit na dekorasyon na marahil ay sumisimbolo sa libo-libong pinagsisilbihan ng Penelco.
Sa pagdaan sa dalawang lugar, sana’y pagmamahalan at pagkakaisa ang sumapuso sa bawat isa.