LUNGSOD NG MALOLOS — Ilang tindahan ng gulong at hardware stores dito ang nahuling nagbebenta ng substandard products sa ginawang surprise inspection ng Consumer Protection ng Department of Trade and Industry at Fair Trade Enforcement Bureau.
Nakitaan ang mga hardware ng violation sa pagbebenta ng mga substandard at non-compliant na steel wires, deformed bars, at unbranded na galvanized iron pipes.
Natuklasan din na may mga bakal na ibinebenta na hindi tama ang sukat at timbang gaya ng 7mm na ibinibenta ng 9mm. Ang 7mm na sukat ayon sa DTI ay gamit lang na pang tali ng bakal at mahina para pang pundasyon o poste ng bahay.
Habang ang ilang tire shops naman ay naaktuhang nagbebenta ng mga gulong na uncertified, walang markings at hindi dumaan sa pagsusuri na ayon sa DTI ay pawang delikado ito sa mga motorista.
Agad na sinelyuhan ng ahensya ang mga nasabing substandard na gulong para hindi na maibenta pa.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo ng Consumer Protection, bibigyan ng notice of violation ang naturang mga establisyemento at pagpapaliwanagin sa loob ng 48-oras.
Kukumpiskahin din ng DTI ang mga nakitang substandard na mga produkto para sa tamang disposal.
Paalala ni Castelo sa publiko na mag-ingat sa mga uncertified products at dapat na hanapin sa mga critical products gaya ng electrical, construction materials o chemicals ang Philippine National Standard Markings para makasigurado.
Ayon naman kay Atty. Joseph Manuel Pamittan, OIC- Asst. Director, DTI Fair Trade Enforcement Bureau, papatawan ng multa o maari ding maharap sa kasong administratibo ang mga nasabing establisyemento.
Posible din na masampahan ng kaso ang mismong manufacturer ng mga natuklasan na substandard na produkto.