Home Editorial Contents Handa na ba kayo para sa akin?

Handa na ba kayo para sa akin?

944
0
SHARE

MARAMING NAGPAHAYAG ng pangamba na hindi sinsero ang alok, na ito ay isang trap na ang habol lang ay siraan at pahiyain ako. Maraming nagpayo na dapat kong tanggihan ang alok dahil pagpasa lang ito sa akin ng responsibilidad para sa mga kabiguan ng drug war. Maraming nagsasabi na naghahanap lang ng damay ang administrasyong ito.

…Pero sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot, papasanin ko ito.

Kaya tinatanggap ko ang trabaho na ‘binibigay sa akin ng Pangulo.

Mula simula, ang gusto ko ay itigil ang pagpatay sa mga inosente, panagutin ang mga abusadong opisyal tulad ng mga ninja cops at mga nagpalusot ng tonetoneladang shabu, bigyan ng hustisya at boses ang mga pamilya ng mga pinaslang na walang kasalanan, habulin ang mga malalaking drug lords, hindi lang ang maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto.

At kahit sabihin na nating ang alok na ito ay pamumulitika lamang, at hindi naman talaga ako susundin ng mga ahensya, at gagawin nila ang lahat para hindi ako magtagumpay, handa akong tiisin ang lahat ng ito. Dahil kung mayroon akong maililigtas na kahit isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo at puso ko ay kailangan ko itong subukan.

Alam ng Pangulo [na] tutol ako sa pagpatay ng mga inosente, kontra ako sa pang-aabuso ng mga opisyal. Alam niya ang aking mga puna. Alam niya ang mga balak kong ayusin. Kaya kung iniisip niya na sa pagpayag na ito ay tatahimik ako, nagkakamali siya.

Simula pa lang, handa tayong tumulong sa ikabubuti ng bayan. Pero kailan man, hindi natin isusuko ang ating mga paniniwala. Seryosong usapan kapag buhay ang nakataya. Tinatanong nila kung handa ba ako para sa trabahong ito.

Ang tanong ko: Handa na ba kayo para sa akin?

(Pahayag ng pagtanggap ni Bise-Presidente Leni Robredo sa alok ng Pangulo na maging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, Nob. 6, 2019)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here