Hamon sa Media
    Anomalya ibulgar

    416
    0
    SHARE

    BULAKAN, Bulacan – Ibulgar ang mga anomalya sa pamahalaan ngunit  huwag kunsintihin ang tiwaling mamamahayag.

    Ito ang hamon ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga Bulakenyong mamamahayag kahapon kaugnay ng ika-161 kaarawan ni Gat Marcelo H. Del Pilar na kilala sa tawag na “Plaridel” at inihalintulad sa isang propeta.

    Sa kanyang talumpati, sinabi ng gobernador na dapat gayahin ng mga kasalukuyang mamamahayag si Plaridel na isinakripisyo ang propesyon bilang abogado, maging ang pamilya dahil sa pagmamahal sa bayan.

    Ngunit sinabi niya na hindi lahat ng mamamahayag sa lalawigan ay may paninindigan na tulad ni Plaridel.

    “Matutuligsa ba nila ang mga kabuktutan sa lipunan kahit ang tamaan ay malalaki at makakapangyarihan? 

    Mailalantad ba nila ang mga kabulukang nangyayari sa mga institusyong pribado at pampublikong laganap ngayon sa ating bansa at lalawigan ng hindi matatakot sa banta ng paghihiganti sa anyo ng pisikal na pananakit, mental torture at kamatayan,” ani Alvarado.

    Iginiit pa niya na hindi rin dapat kunsintihin ng mga mamamahayag ang ginagawang pangongotong sa mga opisyal ng ilang kabaro.

    Ayon sa gobernador, ang mga mamamahayag ay nakakatulad ng mga propeta sa Bibliya na maging ang mga haring nagkamali ay tinuligsa.

    “Iyan ang naging papel ni Plaridel noong tayo’y nasa ilalim ng kapangyariha ng mga Kastila. Iyan din ang papel ng media sa kontemporaryong panahon. Maging ang inyong punong lalawigan ay hindi dapat palampasin kung may ginagawang labag sa kanyang social contract sa mga taumbayan,” aniya.

    Bilang mga propetang panglipunan, sinabi ni Alvarado na ang mga mamamahayag ay may responsibilidad na tawagin ang atensyon ng mga opisyal na nagkamali upang iyon ay maituwid.

    Sinabi pa niya na “bayaan ninyong ito ang maging banal na sumpaan at tipan natin ngayong ika-161 kaarawan ng dakilang propagandista.”

    Ipinangako ng gobernador na ituturing niyang isang “walang kapatawarang paglapastangan sa marangal at sagradong alaala ni Plaridel ang alinmang pananalbaheng gagawin ninunman sa mga media sa Bulacan.”

    Gayunpaman, ipinaalala niya sa mga mamamahayag na maging responsible.

    “Subalit gawin ninyo ang inyong panatang ipaglalaban ang katotohanan at paglilingkuran ang katarungan sa ngalan ng Diyos at sambayanan, lalo’t sa mga panahong ito’y nagsasanib at pinagbabantaang lurayin ng maitim na galamay ng kasinungalingan, sensura at ganap na pagkalupig.” 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here