Home Headlines Halloween display agaw-pansin sa Mariveles

Halloween display agaw-pansin sa Mariveles

1969
0
SHARE
DIY Horror House. Photo: Ernie Esconde

MARIVELES, Bataan — Nalalapit na ang Araw ng mga Patay at Halloween at isang simpling horror house na itinayo sa bungad ng zigzag road palusong sa kabayanan dito ang umaagaw ng pansin sa mga biyahero at mga turista.

Ang Do-It-Yourself (DIY) Horror House ay binuo ng mag-asawang Arnel at Rhea Bravo sa tabi ng kanilang tahanan sa E-Road na sakop ng Barangay Alas-Asin.

Iba-ibang mga pigura ng katatakutan ang pinagtiyagaang ginawa ng mag-asawa ngunit katatakutan na may halong paalaala at iniiwang leksiyon. 

Isang pigura ng lalaki ang nakabulagta sa semento na napapaikutan ng police line na nagpapahiwatig na ito’y naaksidente sa motorsiklo. “Don’t drink and drive. Isang paalaala sa ating mga motorista na mag-ingat sa manibela para makauwi sa pamilya,” sabi ng paskel. 

“Don’t drink and fly,” sabi pa ng isang paskel sa isang pigura ng mangkukulam na sakay ng walis.

Nagkakatuwaan naman ang mga bisita sa walang-sawang kuhanan ng larawan sa tabi ng mga katatakutang Halloween figures na tila mangkukulam na may iniluluto sa kawa, lalaking duguan na hawak ang kanyang ulo, babae at lalaking multo na tila ikakasal, multo na nagbigti, nakaburol sa bukas-sarang kabaong, construction worker na nagmumulto, isang nakabaon sa lupa ang kalahati ng katawan, monster na sa likod ay zombie na babae, mga multo na tila nasa bar at nag-iinuman.

Bukod sa iba-ibang Halloween images, may mga batang nakasuot ng katatakutang costume na nag-iimbita sa mga bisita na magpakuha ng larawan sa tabi nila. Ang natutuwang mga bisita ay inaabutan sila ng pera. 

Sinabi ni Arnel Bravo na libre ang pagpasok sa horror house ngunit tumatanggap sila ng donasyon na gagamitin sa trick or treat sa Halloween party ng mga bata.

Arnel Bravo sa harap ng bumubukas na kabaong. Photo: Ernie Esconde

“Hindi lang Halloween ang aming tema kundi meron din kaming paalaala sa mga motorista na makakatulong sa kanilang pagmamaneho,” sabi ni Arnel. 

Upang lalong magdulot ng takot, nilagyan umano ni Arnel ng maliit na motor ang mga pigura ng multo upang magmukhang gumagalaw.

Ayon kay Rhea Bravo, nagsimula sila noon pang 2015 ngunit iisa pa lamang ang kanilang props at nag-iikot sila noon sa kanilang lugar upang manakot sa mga bata. “Katuwaan lang hanggang  maisipan naming ideretso na hanggang ngayong taon na ito.”

Isang impakta na akmang sisilain si Rhea Bravo. Photo: Ernie Esconde

Ang mga materyales, sabi ni Rhea, ay plywood, PVC, ukay na damit, sako na ipinapalaman sa tiyan ng mga multo at iba pang lokal na materyales. “Ang iba ay aming binili at ang iba naman ay donated ng mga kaibigan namin.”

“Hanggang November 3 ang plano naming magbukas na libre para sa lahat. Pwede din mag-donate at ang maiipon namin ay ibibili ng candy at mga laruan para ibigay sa mga bata sa kanilang trick or treat,” paliwanag ni Rhea. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here