Lumalagda ng commitment sa pagsusulong ng kaunlaran ng mga magsasaka ang mga opisyal ng NIA sa pangunguna ni Admin. Ricardo Visaya (gitna). Nasa larawan din sina (mula sa kaliwa) Region 3 director Engr. Josephine Salazar, deputy administrator Romeo Gan, NIA-UPRIIS department manager Engr. Rose Bote and Nueva Ecija tourism chief Atty. Jose Marie Ceasar San Pedro. Kuha ni Armand M. Galang
CABANATUAN CITY – Iginiit ng isang mataas na opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) na ginagawa ang lahat ng pamahalaan upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni NIA Administrator Ricardo Visaya sa 2nd Stakeholders Forum na itinaguyod ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) sa pamumuno ni Rosalinda Bote, department manager, kamakalawa.
Sabi ni Visaya, sinimulan na nila ang pamimili ng mga equipment na magagamit ng mga magsasaka na kabilang sa irrigators’ associations (IAs) at tinaasan ang pondo ng kanilang tanggapan.
Ang UPRIIS na nagsu-supply ng irigasyon sa Nueva Ecija at ilang bahagi ng Tarlac, Pampanga at Bulacan ay pinaglaanan ng pondo na mahigit sa P906 milyon para sa 2020, mahigit doble ng dati nitong pondo, ayon sa opisyal.
Mahalaga aniya ito dahil ang Central Luzon, katulad ng Region 2, ay kabilang sa mga pinakamalaking rice-producing region sa bansa.
Itinataas na rin aniya ang arawang sweldo para sa mga miyembro ng IAs na tumutulong sa paglilinis ng kanlang mga pasilidad.
Siniguro naman ni Bote na laging bukas ang kanilang linya ng komunikasyon para sa anumang alalahanin ng magsasaka.
Ipinakita rin sa mga magsasaka ang mga nakalinya at isinasakatuparang proyekto ng NIA-UPRIIS sa nasasakupan nito.
Sa nasabing forum ay ginarantiyahan ng NIA ang kahilingan ni Bongabon Mayor Allan Gamilla na pagkakooban ng makinang pampatubig ang dalawang sityo na hindi naaabot ng NIA sa nasabing bayan.