HABANG NAGLULUKSA KAY CORY
    Rehab ng BNPP isinusulong

    379
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Habang ipinagluluksa ng kanyang mga kaanak ang pagpanaw ni dating Pangulong Corazon Aquino, nagtungo sa Bulacan si Pangasinan Rep. Mark Cojuangco noong Lunes at ipinaliwanag ang benepisyo ng plantang nukleyar.

    Sa panayam kay Cojuangco, sinabi niya na wala siyang sama ng loob sa kanyang tiyahin na naging Pangulo noong 1986 at nagpatigil sa planong operasyon ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) noon.

    “Wala akong sama ng loob sa kanya,” aniya patungkol kay dating Pangulong Aquino at iginiit pa na, “naiintindihan ko at kaya kong respetuhin ang desisyon niya na huwag ituloy ang BNPP noong 1986.”

    Ipinaliwanag ni Cojuangco na isa sa mga dahilan kung bakit ipinatigil ng kanyang tiyahin ang BNPP ay dahil sa insidente sa Chernobyl nuclear power plant sa Russia noong panahong iyon.

    “May sapat siyang dahilan noon.  Tama ang desisyon niya noon,” ani Cojuangco sa isang panayam matapos magpaliwanag sa Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan na noong nakaraang buwan ay nagpatibay ng isang resolusyong nagpapahayag ng pagtututol sa panukalang rehabilitasyon ng BNPP.

    Sinabi pa ng kinatawan ng ika-limang distrito ng Pangasinan na “I am now sticking to the benefit of hindsight.”

    Sa kanyang pananaw, “hindi na tama ngayon ang desisyon ni Cory noon, dahil nahaharap tayo sa energy crisis by 2012.”

    Hinggil naman sa pagpanaw ng kanyang tiyahin, sinabi niya na nakikiramay siya sa buong pamilya Aquino, at bumisita na raw siya sa burol nito.

    “I empathize with the whole family, pero sa totoo lang hindi ko sila masyadong kilala, si Senator Noynoy lang ang medyo kilala ko dahil nagkasama kami sa Congress,” ani ng kinatawan na ang amang si Eduardo “Danding” Cojuangco ay pinsang buo ni dating Pangulong Aquino.

    Nang tanungin kung bakit isinabay niya sa burol ng kanyang tiyahin ang pagpapaliwanag sa Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan hinggil sa BNPP, sinabi niya na dapat ay noong pang nakaraang linggo siya nagpunta sa lalawigan ngunit nagkasakit siya ng Influenza A H1N1.

    Sa kanya namang presentasyon sa Sangguniang Panglalawigan, nilinaw ni Cojuangco ang mga maling pananaw hinggil sa paggamit ng plantang nukleyar.

    Sinabi niya na ang bansa ay nahaharap sa krisis ng kakulangan sa kuryente, at binigyang diin na ang enerhiya mula sa nukleyar ay ligtas at mura kumpara sa mga planta ng kuryente na ginagatungan ng uling at langis.

    Nagbabala rin si Cojuangco na maaantala ang kaunlaran ng bansa sa mga susunod na taon dahil sa krisis sa kuryente kung hindi magagamit ang BNPP.

    “Economic development of our country will be delayed, thousands will lose jobs along with investment opportunities that we will miss,” aniya.

    Pinabulanan din niya ang mga ispekulasyon na posibleng sumabog ang BNPP kung puputok ang natutulog na bulkan sa Mt. Natib.

    Gayunpaman, hindi pa rin kumbinsido ang mga kasapi ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan at sinabing patuloy silang naninindigan sa resolusyong tumututol sa rehabilitasyon ng BNPP na kanilang pinagtibay.

    “Our resolution rejecting proposed rehabilitation of the BNPP because that is the sentiment of the Bulakenyos,” ani Vice Governor Willy Alvarado.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here