Home Headlines Gulay nagtaas presyo, benta matumal

Gulay nagtaas presyo, benta matumal

859
0
SHARE

Ipinapakita ng mga tinderang sina Marife Castañeda at Lisa Abiado ang sili na umano’y napakataas ng presyo. Kuha ni Ernie Esconde



LUNGSOD
NG BALANGA — Dumaraing nitong Biyernes ang mga tindera sa vegetable section ng Balanga City Public Market, pinakamalaking palengke sa Bataan, sa malaking itinaas ng presyo ng maraming gulay dahil umano sa pagkasira ng mga pananim dulot ng mga sunod-sunod na bagyo na ang pinakahuli ay ang Ulysses.

Napakataas umano ng puhunan nila at biglang tumal naman ang benta.

Ayon kina Marife Castañeda, Lisa Abiado, Lorie Cruzat iba pang tindera, matindi ang pagtaas ng presyo ng kanilang paninda.  Ang talong na dating P70 ang kilo ay P120 na ngayon, sabi ni Castañeda. Karamihan umano sa kanilang tinda ay mula sa Nueva Ecija.

Ang siling pamaksiw ang grabe ang pagtaas ng presyo, sabi ni Abiado. Dati raw P30 – P50 lamang ito isang kilo ngunit ngayon ay P400 – P600 na. Ang isang kilo ng kamatis na dating P80, ani Abiado, ay P120 – P140 ngayon.

Ang ampalaya na dating mura lamang na makukuha sa halagang P80 isang kilo ay P200 na mula sa puhunang P180.

“Kaya tumaas ang gulay dahil daw sa pagbagyo kasi daw nasira ang mga pananim. Tumataas lahat, wala na kaming tubuin. Bagsak ang negosyo namin wala ng magpautang sa amin kasi di na kami makabayad ng gulay, sabi nina Abiado at Castañeda.

Daing ni Abiado na minsan ay naliligwak pa sila sa gulay dahil nakakakuha sila ng kamatis na mahal na nga bulok pa ang gitna.

Ang petchay Tagalog na dating P80 ang kilo ay mahal na rin sa ngayon na umabot sa P150P160 ang puhunan pa lamang, sabi ng mga tindera.

Tanging ang sampalok lamang daw ang mura ngayon na P10 – P15 ang kilo, sabi ni Abiado.

Medyo bumaba rin ng bahagya ang presyo ng luya na dating P180 ang kilo ay makakabili ngayon ng P150 – P200.

Nagmahal din ang sibuyas na pula na dating P80 – P120 ang kilo ay P180 – P200 na ngayon.

Sinabi ni Cruz na ang carrots ay nagmahal din mula sa dating P80 ang kilo ay P120 na. Nagulat umano sila sa presyo ng ampalaya na dating P80 lamang ang isang kilo ay P180 na ang puhunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here