Grass fire, madalas mangyari sa Balanga

    447
    0
    SHARE
    BALANGA CITY, Bataan – Tinupok ng nag-aalimpuyong apoy ang makapal na  damong kugon at mangilan-ngilang puno ng  kawayan sa mahigit sa tatlong ektaryang lupa sa tabi ng 4-lane road malapit sa Bataan superhighway dito noong Huwebes ng tanghali.

    Maririnig ang tila nagngangalit na sagitsit ng nasusunog na mga damuhan habang binobombahan ng tubig ng mga bumbero. Tatlong firetrucks ang ginamit upang makontrol ang sunog na inabot ng katanghaliang-tapat sa ilalim na nakakapasong init ng araw.

    Inagapan ng mga bumbero ang apoy upang hindi ito kumalat sa ilang katabing gusali. Ilang pulis at city marshalls ang naghagis ng tubig sa atip na kugon ng isang kubo malapit sa kalsada. Bumuga ang makapal na usok na halos tumabing sa mga nagdaraang mga sasakyan.

    Ayon kay Senior Fire Officer 4 Alexander Militante, deputy fire chief ng Balanga City, nagsimula ang grass fire 9:30 ng umaga at umabot ng mahigit apat na oras bago nasabing under control na ang sunog at walang nadamay na kabahayan.

    “Sana, mahuli na ang may kagagawan ng grass fire upang matigil na sapagka’t parang sinasadya na ito,” sabi ng bumbero. Sinabi ni Militante na halos araw-araw nitong huling dalawang linggo ng Pebrero ay may nagaganap na grass fire sa Balanga lalo na sa barangay Bliss at 4-lane road.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here