NANGALAHATI na halos ang termino
ng ating kagalang-galang na Pangulo,
pero hanggang sa mga sandaling ito,
bigo pa rin siya sa ‘war on drugs’ nito.
Na aniya’y sa loob lang ng anim na buwan
ay makaya niyang mabawasan man lang
kundi man magawang ito ay tuluyang
makontrol yan ‘within 3 to 6 months’ lamang.
Subalit hayan at bunsod na rin nitong
grabeng sabuwatan sa ating Bureau of Customs,
tone-tonelang shabu itong ngayon
naipapasok nang wala ng inspeksyon.
At kung saan sa tungki pa nitong ilong
nina Lapeña at Nicanor Faeldon,
naipuslit sukat pero di naamoy
ng mga damuho’t iba pang inspector.
Na kuntodo tanggi pa itong Lapeña
hinggil sa apat na ‘magneti lifters’ na
kinalalagyan ng kontrabandong droga,
pero ngayon, mukhang kumbinsido na siya.
Sino man marahil ay natural lamang
na di nila basta mapaniwala riyan
sa ‘alibi’ niya na wala raw laman
ang mga ‘magnetic lifters’ na naturan.
Sinong sira-ulo ang umangkat basta
ng ganyang di lamang libo ang halaga,
at pagkatapos ay bubutasin lang niya,
saka iiwanan sa isang bodega?
Common sense dictates that any businessman
Would not leave anything he bought from a distance
Unattended after he received from someone,
And will just let it there away at his own hands.
Nangangahulugan na ‘yan ay ginamit
para sa isang bagay nga na ipinuslit
sa Bureau of Customs nitong mga lintik
na kakutsaba sa gawang di matuwid.
Pero ang susuwete pa rin ng mga ‘yan
pagkat sa kabila ng mga nagawang
kapalpakan, sila’y parehong nabigyan
ng ibang ‘assignment’ nitong Malakanyang.
Kaya naman, hayan ang isang karantso
n’yan sa B.O.C. ay umalma ng husto
laban kay Lapeña at tiniyak nito,
na ang hinala rin niya’y positibo.
Aywan naman sa ‘ting Pangulong Duterte
kung bakit di pa niya sila sinesante
gayong ang ginawa nga nila’y mas grabe
kaysa ibang sinibak ni Presidente.
At inilagay pa ang mga damuho
sa ika nga’y mga magagandang puesto,
gayong ang ‘expertise’ yata n’yan pareho
ay pang-military at di sa kung ano.
Di ba dapat bilang galing sa militar,
‘yan sa paniniktik ay lubhang mahusay?
Pero bakit naging kampante sa isang
bagay na dapat ay lubhang matunog ‘yan?
Di ko sinasabing sila’y nalalagyan
kaya pikit mata sa bagay na bawal,
pero ano’t itong bagay na iligal
nailulusot kung walang nasuhulan?