Gov: Maguindanao Massacre hindi mangyayari sa Bulacan

    657
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Tiniyak ni Gob. Wilhelmino Alvarado na hindi mangyayari sa Bulacan ang makahayop na Maguindanao Massacre dahil namamayani ang katarungan at tapat na pamamahala sa lalawigan.

    Bukod dito, nilinaw din niya ang kahalagahan ng mga mamamahayag sa pamamahala sa lalawigan at hinikayat ang mga kabataang mamamahayag na ipagpatuloy ang makatarungan at makabayang pamamahayag na nasimulan ni Gat Marcelo H. Del Pilar.

    Ang mga pahayag ni Alvarado ay kanyang sinambit sa maikling talumpati sa harap ng mahigit 50 mamamahayag at mag-aaral ng pamamahayag ng Bulacan State University (BulSU) kaugnay ng isinagawang ika-16 na buwan ng paggunita sa mga biktima sa Maguindanao Massacre.

    Ang nasabing paggunita na tinampukan ng panalangin para sa katarungan at kapayapaan at pagtutulos ng mga kandila ay isinagawa sa harap ng bantayog nina Gat Marcelo H. Del Pilar, Gat Jose Rizal, at Mariano Ponce sa loob ng bakuran ng kapitolyo noong Miyerkoles ng gabi, Marso 23.

    Sa kanyang maikling talumpati, sinabi ni Alvarado nakikiisa siya sa mga sawimpalad at mga biktima ng karahasan sa Maguindanao.

    “Hindi na dapat maulit iyon, especially under a civilized community, hindi dapat yung ganoong ka-brutal na pangyayari,” ani Alvarado, ang kauna-unahang punong lalawigan sa Gitnang Luzon na nakiisa sa katulad na gawain.

    Tiniyak na ang marahas na insidente ng pamamaslang sa mga mamamahayag sa Maguindanao ay hindi mangyayari sa Bulacan dahil sa “tayo ay naniniwala na may hustisya sa bansa partikular sa ating lalawigan.”

     Bukod dito, sinabi niya na ang kanyang administrasyon ay naniniwala at nagpapatupad ng transparency o tapat na panunungkulan na bahagi ng good governance o mabuting pamamahala.

    Ayon sa punong lalawigan, lubhang mahalaga ang mga mamamahayag sa pamamahala ng gobyerno dahil ang mga mamamahayag ang naghahatid ng magandang balita sa taumbayan at pumupuna sa mga pagkukulang ng mga nanunungkulan.

    “Ang mga mamamahayag ang naghahatid ng magandang balita para sa lalawigan, sila din nagpapahatid sa atin ng ating kakulangan sa panunungkulan, and we always accept constructive criticism sapagkat ito ang magpapaigi at mag-aayos ng ating pamamahala,” ani Alvarado.

    Sinabi pa niya na sa ilang bahagi ng Maguindanao ay naghari ang diktadurya ng isang angkan at binigyang diin niya na “kapag may isang tao na nagdidikta at walang mga journalist na nagnu-neutralize, nawawala ang pinaghirapan ng mga bayani noon.”

    Hinggil sa mga mag-aaral ng pamamahayag sa BulSU, sinabi ng punong lalawigan na “ang insidente sa Maguindanao ay di magsisilbing deterrent, hindi rin nagsilbing takot, bagkus ay, it will encourage you more.”

    Ayon sa punong lalawigan, “kinakailangang may mga journalist na tulad ninyo, kailangang marami ang mga journalist na tulad ninyo na nagbabantay sa ating kalayaan, yung nagpapahayag so that there will always be transparency because we believe, we believe, that vigilance is the prize of liberty.”

    Sinabi pa niya na patuloy na mabubuhay ang kalayaan sa Bulacan “sapagkat may mga kabataan na tulad ninyo na magdadala ng sulo na dinala noon ng ating mga bayani, partikular si Marcelo H. Del Pilar ng ating lalawigan.” 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here