LUNGSOD NG BALANGA — Patuloy nang bumibiyahe sa Bataan ang mga pampasaherong bus ng Genesis Transport Corp. sa pangalawang araw ngayong Sabado matapos magsimula Biyernes ng tanghali.
Ayon kay Christopher Tasic, Genesis terminal supervisor, pinayagan sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na buksan ang rutang Balanga City–Mariveles at vice-versa.
Simula ika-1 ng Hunyo, nalagay ang lalawigan sa general community quarantine dahil sa mapanganib na coronavirus disease.
Natigil ang mga pampasaherong bus at iba pang public transportation matapos mapasailalim sa enhanced community quarantine at pagkatapos ng modified enhanced community quarantine ang buong Bataan.
Sinabi ni Tasic na mahigpit sila sa pagtanggap ngpasahero upang makaiwas sa Covid-19. Kailangan, aniya, na dumaan sa disinfection mat ang bawat pasahero bago sumakay ng bus at makuhanan ng temperature sa pamamagitan ng thermal scanner.
Sa pag-akyat ng bus, may nakahandang alcohol, para magamit ng bawat pasahero.
Isa–isang pasahero lang ang pinapayagang maupo sa bawat upuan ng bus na may mga bahaging nakalagay na “Do not sit here.” Ito, sabi ni Tasic, ay upang mabantayan ng husto ang social distancing policy.
Ang pinapayagang laman ng bus ay 25 pasahero lamang kontra sa 51 noong mga regular na biyahe, sabi ni Tasic.
Sa bungad ng pintuan ng bus, may nakalagay na signage “No facemask, No entry”.
Ang kundoktor ay nakasuot ng facemask at face shield samantalang ang driver ay may facemask.
Ang first trip ng biyaheng Balanga City–Mariveles at Mariveles–Balanga City ay alas-5 ng umaga at ang last trip ay alas-7 ng gabi.