GAYA nitong ating naging obserbasyon
hinggil sa ‘war on drugs’ ni Pangulong Digong
na aniya, ‘within just couple of months or more,’
ito’y maaring niyang ganap na makontrol
Iyan abutin man marahil ng apat,
ng lima, at hanggang tuluyang magwakas
ang ‘6 years terms’ niya ay di pa rin tiyak
na maging ‘drug-free’ itong Pilipinas
Kung katulad nitong sa araw-araw na
ginawa ng Diyos ay naglipana pa
sa lahat ng dako ang tulak ng droga
at ‘users’ pati na rin ng marijuana.
Na alam ng bawal at maari nilang
ikapahamak ay bale wala lamang
sa nakararaming buhay man ay ‘patay’
nang maituturing ang pagakatao n’yan.
Sanhi ng kanilang pagkapariwara
sa bisyong sila rin naman itong kusa
na nagpatihulog sa pagkakadapa –
at ang pagbangon ay hirap nang magawa.
Mil de mil na itong mga nadisgrasya,
nakulong at sunog na ang kaluluwa
sa masamang bisyo pero naglubay ba
ang mga lulong na sa bawal na droga?
Gayong hindi lingid sa kanila mismo,
na kundi kulungan tiyak sementeryo
ang bagsak kapagka’ sila ay natiklo,
pero sige pa rin ang mga damuho.
Kaya naman, hayan ay parang sardinas
sa sikip ang karsel kung saan minalas
na mapabilang sa mga sandamakmak
na kagaya nilang pasaway sa batas.
At dahilan na rin sa ang ‘court of justice’
natin mula’t sapol ay ‘court of just tiis,’
ang walang pampyansang mga maliliit,
‘behind bar’ na, di pa lumabas ang ‘verdict’.
Sa puntong ito ay masasabing nating
nasa Presidente ang ikagagaling
ng ngayon at tatlong taon pang darating
na natitira pa sa kanyang ‘six years terms’.
Gawin na kung ano ang inaakala
niyang makabubuti sa ‘ting Inangbansa,
at huwag niyang hayaang hanggang sa bumaba
siya sa Palasyo di pa niya ganap nagawa;
Na maipairal ang karapat-dapat
at naaayon sa ‘ting saligang batas,
kung saan kamay na bakal itong sukat
na ipag-utos at kailangang matupad.
Kung ‘revolutionary government’ ang wasto
na maisulong ng butihing Pangulo
sa lalong madaling panahon, at bago
matapos ang ‘term’ niya okey lang siguro.
Upang pati na rin ang iba pang nais
niyang maresolba bago siya bumalik
sa pagka-ordinaryong tao, masungkit
ang sa Inangbayan – pinakananais;
Kung saan ang lahat na ay matiwasay
na naninirahan sa sariling bahay,
sa alin mang dako nitong kapuluan,
na ligtas sa lahat ng masamang bagay!