Kung bakit para bang nakaugalian
Na ng iba nating mga kababayan
Itong kung kailan lang tayo may halalan
Sila lumalantad sa harap ng bayan
Upang akusahan ang hindi kasangga
Ng mga bagay na dapat ay noon pa
Isiniwalat kung totoo talaga
Ang ibinabato sa kalaban nila
At di gaya nitong kung di lang nagnasang
Humabol muli ang pinatatamaan,
Ay di kumilos itong barangay chairman
Ng Claro M. Recto upang sulatan n’yan
Si DILG Secretary Mar Roxas
Para rebisahin ang bigay na ‘award’
Kay EdPam, na aniya ay hindi marapat
Sa parangal na yan pagkat ito’y corrupt;
Bukod sa iba pang mga kontrobersya
Na bumabalot sa administrasyon niya,
Kaya ang hiling ay ipabawi nila
Kay Roxas ang bagay na naibigay na?
Ganun pala’t batid ni punong barangay
Lagman ang hinggil sa alegasyon niyang
‘financial mismanagement’ ni Mayor EdPam,
Na posibleng ‘bankruptcy’ ang kahantungan;
Eh bakit di nito ibinulgar agad
Pati ang ‘ghost employees’ na tinatawag,
Na aniya’y kasama sa ‘payroll’ at lahat,
Pero di naman daw aktual gumaganap?
Kung saan ayon sa isang ininterbyu
Nila (kunwari?) o talagang totoo;
Pamasaheng ‘fifty pesos’ lang umano
Ang ibinibigay papuntang destino?
Ngunit limang daang piso ang arawang
Pinakasahod na dapat tanggapin niyan?
(Base sa payroll na sinasabi nilang
Hindi sila mismo ang pumipirma riyan).
Base sa pahayag ng kinapanayam
Nina Lagman at ng pinaka-host bilang
Ng isang programa sa GV Radio riyan,
Na di sinasadyang ating napakinggan.
Sa puntong naturan, di ko sinasabing
Ang nakausap ay nagsisinungaling,
Subali’t anhin man po nating isipin
Ay pang-‘Ripley’s Believe it or Not’ ang dating
Para kay ‘yours truly’ ang ganyang pahayag
Pagkat sadyang kalokohang matatawag
Ang singkwenta pesos lang na matatanggap
Sa ipagtrabaho n’yan ng walong oras.
At kay Kapitan ang ating masasabi:
Bakit ngayon lang po n’yo naisip pati
Ang ganito laban sa inyong Alkalde,
Kung kailan ang term niya’y patapos na bale.
At ngayong pamuling kumakandidato
Bilang mayor para sa 2nd term nito,
Saka n’yo binalak kasuhan ang tao
Ng ikasisira niya sa publiko?
Sa akala kaya ninyo’y basta kayo
Paniniwalaan sa ganyang estilo?
Alalahanin n’yong mulat na ang tao
Sa tama at mali sa panahong ito!
Kasi kung talagang may nagawang palpak
Si Mayor Pamintuan sa mahal n’yong siyudad,
Dapat noon n’yo pa yan isiniwalat
Upang di po maging kakatwa ang lahat!!!