OLONGAPO CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang Olongapo at buong lalawigan ng Zambales dahil sa malaking pinsala dulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan at siyudad.
Sa Olongapo, 16 na barangay ang nalubog sa tubig na umaabot hanggang sa leeg dulot ng ulan at pag-apaw ng Kalaklan river.
May kabuuang 273 pamilya ang inilikas na may kabuuang 928 kataong pansamantalang nanuluyan sa mga barangay covered court habang nagpapababa ng tubig baha bago bumalik sa kanilang tahanan.
Sa Zambales, batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRNC), umaabot sa mahigit P30 milyon ang halaga ng agriculture na nasira sa lalawigan.
May kabuuang 1,792 pamilya na binubuo ng 6,304 katao ang inilikas sa mga evacuation center mula sa 13 bayan ng Zambales na naapektuhan ng pagbaha.
May siyam na bahay naman ang nawasak mula sa bayan ng Iba, San Marcelino at Sta Cruz.
Nasawi naman si Ariel Mirador Menes, 19-anyos at residente ng Poblacion North, Sta Cruz, Zambales makaraan itong malunod sa Mose Beach Resort sa Barangay Sabang sa nasabing bayan habang nasa kalakasan ng ulan.