KAMAKAILAN AY lumabas sa isang lokal na media outlet ang ulat na mula umano sa Commission on Audit (COA), kung saan ipinapakitang mayroong mahigit ₱1.5 bilyon sa Cash and Cash Equivalents at higit ₱11 bilyon sa kabuuang assets ang Lungsod ng Angeles hanggang Hunyo 30, 2025.
Isang positibong larawan nga ito, lalo’t nagmula ito sa pagtatapos ng nakaraang administrasyon. At sa usapin ng good governance, karapat-dapat lamang kilalanin ang anumang resulta na nagpapakita ng maayos na pamamalakad.
Ngunit gaya ng laging paalala, ang datos ay dapat tingnan nang buo, malinaw, at hindi pinili lamang ang paborableng bahagi.
Hindi Lang Ari-arian, Kundi Obligasyon Din
Ang isang kumpletong State of Financial Position ay hindi nagtatapos sa pagbanggit ng cash at assets. Ang katapat nitong bahagi — ang Liabilities (mga utang at obligasyon) at Net Assets (tunay na halaga matapos ibawas ang mga utang) — ay napakahalaga din.
Kung hindi ito isasapubliko, may panganib na maipinta ang isang hindi lubos na totoo o balanseng larawan ng kalagayang pinansyal ng pamahalaang lungsod.
Maaaring may cash nga, pero baka may maraming pinaggastusan o may malalaking obligasyon din. O baka naman walang masyadong utang,at lalong dapat papurihan ang dating pamunuan.
Ngunit hindi natin malalaman hangga’t hindi kumpleto ang ulat.
Ang Transparency ay Hindi Dapat Selective
Sa panahong mataas ang antas ng kawalan ng tiwala sa mga institusyon, ang transparency ang pundasyon ng tiwala ng mamamayan.
Ang pagbibigay-linaw at buong ulat — hindi pilí — ang magtitiyak na ang anumang pahayag ay hindi spin kundi katotohanan.
Kaya naman, marapat ipanawagan— hindi upang manira o pumabor sa sinuman — kundi upang panatilihin ang kredibilidad ng anumang ulat pinansyal.
Sa mga kinauukulan, sa dati o kasalukuyang administrasyon, ilathala po ninyo ang buong COA Report, o hindi man, ang kumpletong Statement of Financial Position ng Angeles City.
Hindi po ito usapin ng politika, kundi usapin ng pananagutan at bukas na pamahalaan.
Sa huli, sa kabila ng iba’t ibang pananaw, iisa ang interes nating lahat — ang kapakanan ng ating lungsod.