Hayan, matapos ang isyu ng melamine
Na napabalitang sa Tsina nanggaling
Ang maraming brand ng produktong pagkaing
Kontaminado n’yan, kay Sam naman galing,
Itong diumano’y isa ring imported
Na produktong gawa sa United States;
Gaya nitong pampa-laman sa ‘tasty bread’
Na mabibili sa mga Supermarkets;
Partikular na riyan itong ‘peanut butter’
Na ayon sa BFAD ay naglalaman din
Ng kung anong bagay na aywan lang natin
Kung ilan na ang apektado dito sa ‘tin;
Nitong kung tawagin nila’y ‘salmonella,’
Na nakalalason ding uring bakterya,
Na posibleng kontaminado anila
Ang ‘peanut butter’ na galing Amerika;
At ang iba pa r’yang produktong pagkain
Na diumano ay kay Uncle Sam din galing,
Na ngayo’y lubusan ng pinatitigil
Ang pagbebenta n’yan sa consumers natin!
Pero kagaya n’yang posibleng marami
Na ang biktima ng produktong nasabi,
Kanino natin yan maaring isisi
Kundi sa kung alin d’yang ‘concerned agency?
Partikular na r’yan itong ating BFAD
Na siyang ika nga ay mangalaga dapat
Sa ganitong bagay na di natin sukat
Akalaing nakamamatay ang sangkap!
N’ung una kung saan lintik na melamine
Ang muntik nang umubos sa lipi natin,
Pero ang ‘source’ nito o kung saan galing
Ay ni hindi kinastigo dito sa ‘tin.
Kaya, haya’t pati itong kay Uncle Sam
Na di natin akalaing mayrun palang
‘Pamatay’ sa ating mga kababayan
Ay nakapasok nang hindi namalayan;
Ng ating gobyerno o nitong nasabing
Ahensyang marapat na sumubaybay din
Sa ano pa man d’yang produktong pagkain
Na ipinapasok ng ‘suppliers’ natin.
Nang sa gayon bago po tayo madedbol
Sa produkto nilang posibleng may lason
Ay maagapan na nati’t ma-‘monitor’
Ang kung anuman d’yang panindang patapon!
Malay natin, baka tayo’y unti-unting
Nilalason sa kung anumang pagkain
Ng Tsina o nitong Amerika na rin
Upang ang Pinas ay muling alipinin?
Dito ko ninanais akusahan po r’yan
Na tayo’y patraidor nilang pinapatay,
Kundi ang atin ay haka-haka lamang
Sa kung anong ating posibleng hantungan.
Kaya, kung mayroong marapat tumingin
At mangalaga sa kaligtasan natin,
Partikular na sa produktong pagkain
Ay dili’t iba r’yan itong BFAD na rin.
At di tulad nitong kung kailan posibleng
Milyones na ang biktima dito sa ‘tin,
Saka pa lang kikilos ang magagaling
Na lingkod ng bayan kung ating ituring!