Foreman pinagsasaksak ng laborer, patay

    393
    0
    SHARE
    SUBIC BAY FREEPORT – Nauwi sa madugong pagtatapos sa inuman ng mga trabahador sa isang construction site sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ng pagsasaksakin ng isang construction worker ang kanyang Foreman.

    Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Retired General Orlando Maddela, Jr., SBMA-LED department manager, kinilala ang nasawing biktimang si Arnold Pasunting, 63, foreman ng JYP General Maintenance Services Inc., at residente ng No. 290 Marulas, Caloocan City dahil sa tinamo nitong 19 na saksak, 10 sa likuran at siyam sa harapang bahagi ng katawan makaraan itong undayan ng suspek na si Christian Imperial, 24-anyos, tubong Pioduran, Albay.

    Ang biktima ay sinaksak malapit sa kanyang tinutulugang barracks na halos katabi ng construction site.

    Nabatid sa ulat na ang biktima at suspek ay parehong nagtatrabaho sa 3-storey condo-hotel na pagmamay-ari ng Hoyueh Corporation na matatagpuan sa Subic Commercial and Light Industrial Park, sa likod ng Ampelos Tower Compound, Manila Avenue, Subic Bay Freeport Zone.

    Batay sa salaysay ni Ariel, anak ng biktima, nag-iinuman sila kasama si Imperial ng magsimula itong magmura, inawat ito subalit humantong ito sa mainitang debate.

    Sa panayam kay Imperial, mariin nitong itinanggi ang akusasyon laban sa kanya.

    Sinabi ng suspek na mabait naman ang biktima, kaya lang niya ito nagawa dahil sa banta umano ni Ariel (anak ng biktima) kung kaya inunahan na niya ito.

    Labis naman ang pagsisi ng suspek sa krimen na kanyang nagawa.

    Ang bangkay ng biktima ay pansamantalang ibinurol sa Flores Memorial Services sa barangay Mabayuan, Olongapo City at ililipat ito sa kanyang bahay sa Caloocan City.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here