Ayon kay SPO2 Danilo Dayao, imbestigador ng Hermosa police, namatay ang foreman na si Rogelio Miranda, 50, ng Pasig, Metro Manila mula sa tatlong tama ng baril sa dibdib, kaliwang kamay at paa.
Naka-rekober naman ang Scene of the Crime Operatives at pulisya ng Hermosa ng tatlong basyo ng bala mula sa 12-gauge shotgun.
“Wala pang matibay na motibo sa pagpatay pero may tinitingnan tayong isang anggulo tungkol sa napaalis na mga trabahador dahil medyo may kahigpitan diumano ang nasawi,” sabi ng imbestigador.
Pinatay ang foreman sa loob mismo ng tinutulugan nitong quarters sa pagitan ng alas-12 at ala-una ng madaling araw nitong Miyerkules batay sa report ng ilang nakarinig ng putok subalit takot bumangon, sabi ni Dayao.
Sinabi naman ng ilang tauhan na pipirma sila sa kanilang time sheet bago mag-alas-8 ng umaga nang malaman nilang patay na pala ang kanilang foreman.
“Mabait naman siya at wala kaming alam na kagalit,” sabi ng isang trabahador na ang iba’y patuloy sa pagputol ng mga bakal sa ilalim ng ginagawang higanteng tulay.