Home Headlines Flyover sa crossing ng Plaridel Bypass sa Bustos, itinatayo na

Flyover sa crossing ng Plaridel Bypass sa Bustos, itinatayo na

1038
0
SHARE

Nagbabaon na ng mga pundasyon ang kontratista ng Department of Public Works and Highways bilang simula ng konstruksiyon ng flyover sa crossing ng Plaridel Bypass Road at General Alejo Santos Highway na sakop ng bayan ng Bustos. Nagkakahalaga ng 70 milyong piso ang unang bahagi ng proyekto. – PIA 3



BUSTOS, Bulacan — Sinisimulan nang ibaon ang mga pundasyon ng magiging flyover sa crossing ng Plaridel Bypass Road at General Alejo Santos Highway na sakop ng Bustos.

Ayon kay Mark Lester Castro ng First Bulacan Engineering District ng Department of Public Works and Highways o DPWH, may inisyal na 70 milyong piso ang inilaan sa proyektong flyover na may apat na linya. 

Ang itinatayong unang dalawang linya ay nakatakdang matapos sa susunod na 270 araw o bandang Agosto ngayong 2020.

Pagkatapos nito, agad na isusunod sa unang bahagi ng taong 2021 ang karagdagang dalawang linya pa ng Bustos flyover. 

Ipoposisyon ang naturang flyover na kapantay sa direksyon ng Plaridel Bypass Road. 

Ibig sabihin, ang mga sasakyan na dumadaan sa Plaridel Bypass Road na papuntang San Rafael sa northbound o kaya naman ay pabalik sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway o NLEX sa southbound, ay papanik sa ibabaw ng flyover.

Sa ilalim naman tatawid ang mga sasakyang dumadaan sa General Alejo Santos Highway. 

Ito ang mga sasakyan na papuntang Angat at Donya Remedios Trinidad sa silangan o eastbound, at papuntang kabayanan ng Bustos at Baliwag sa kanluran o westbound. 

Paliwanag ni Castro, nakakaranas sa ngayon nang matinding pagsisikip nang daloy ng trapiko sa bahaging ito ng Plaridel Bypass Road at panulukan ng General Alejo Santos Highway. 

Nawawala rin aniya ang saysay nang pagdaan sa Plaridel Bypass Road dahil nakakaranas ng matinding pagtatrapik kapag dumarating na sa bahaging ito ng Bustos. 

Kaya naman nag-abiso ang DPWH First Bulacan Engineering District sa mga motorista na pansamantalang magiging moderate-to-heavy ang daloy ng trapiko sa Plaridel Bypass Road. 

Gagawing tig-isang salubungan muna ang dalawang linya na southbound lane o ang direksiyon palabas sa NLEX. 

Ito’y upang bigyang daan ang konstruksyon ng flyover na sinisimulan sa northbound lane o ang direksyon papuntang San Rafael. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here