MEXICO, Pampanga——Rehas ang binagsakan ng isang volunteer worker ng food feeding program ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa bayan ng Mexico, Pampanga matapos ireklamo ng 17 elementary students dahil sa umano’y panghihipo nito.
Si Peter Alimurung, 37, ng Barangay Pandacaqui, Mexico, Pampanga ay sinampahan na ng four counts ng kasong child molestation kahapon.
Ayon kay Supt. Ferdinand Perez ng Mexico PNP, sinampahan na nila ng kasong child molestation ang suspect at posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga batang magrereklamo sa mga susunod na araw.
Ayon sa dalawang batang estudyante na itinago sa pangalang “Kristine” at “Jenny”, kapwa menor de edad, at grade 6 pupils sa Barangay Pandacaque Elementary School, may dalawang linggo na silang patuloy na hinihipuan ni Alimurung sa tuwing pipila sila sa food feeding program ni PGMA na nagsimula sa kanilang eskwelahan noong ika-15 ng Agosto.
Ikinuwento ng mga biktima, na sa simulay hinihimas sila ng suspek sa kanilang balikat at gumagapang na ang kamay nito hanggaang sa kanilang dibdib.
Anila, 17 na estudyante sa grade 6 ang nabiktima na ni Alimurung ngunit mayroon din umanong nabiktima na mga grade 5 at grade 4 ngunit mga takot lamang magsipagsalita.
Samantalang ayon naman sa suspek, hindi niya hinihipuan ang mga estudyante at inaalalayan lamang niya ito sa tuwing pipila kapag tanghali sa food feeding program.
Hindi umano totoo ang alegasyon ng mga batang estudyante ngunit kung may nagawa man umano siyang pagkakamali at humihingi siya ng tawad.
Si Alimurung ay pinatawan ng P80,000 bilang piyansa sa bawat kasong kanyang kinakaharap ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nakakulong pa rin ito at ang hinihimas na nito ay ang malamig at matigas na rehas.