Ang naarestong drug suspect na Nigerian. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MABALACAT — Arestado ang isang estudyanteng Nigerian national na high–value target ng Pampanga Drug Enforcement Unit (PDEU) sa ginawang anti-drug operation sa Barangay Dau Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Lt. Joel Doctora, assistant chief ng PDEU, ang suspek ay nakilalang si Obbina Agba, 20, isang Nigerian, estudyante sa Maynila at nangungupahan din doon.
Nakatanggap ang PDEU ng ulat na ang suspect ay nagbabagsak ng ilegal na droga sa lugar dahilan para ikasa ang buy-bust operation laban dito at nakuha sa kanya ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na may street value na P200,000.
Ani Doctora, nagdadala ng shabu sa Pampanga ang suspect at karaniwang ang mga parokyano nito ay mga kapwa estudyante. Ito, aniya, ay may kinaaniban na isang malaking sindikato.
Todo-tanggi naman ang suspect sa mga paratang laban sa kanya at sinabing wala siyang kinalaman sa ilegal na droga.
Mahaharap ang suspect sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act at kasalukuyang nasa kustodiya ng Pampanga police.