EdPam: Sapat na gamot sa ONA

    477
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG ANGELES – Isang bagong Ospital Ning Angeles (ONA).

    Mga bagong mga kagamitan pang-medikal, sapat na gamot at libreng check-up sa mga kapus palad na mga Angeleño.

    Ito umano ang mga uunahin ni Sec. Ed “EdPam” Pamintuan kung sakaling palarin siyang mahalal bilang alkalde ng lungsod na ito sa 2010 election.

    Sa press conference na ginanap kahapon sa Triumvirate Restaurant sa Bacolor, sinabi ni Pamintuan na dapat i-renovate ang ONA upang ma-accommodate ang maraming mga pasyente.

    “Maghahanap tayo ng isang gusali upang doon muna pansamantalang i-operate ang ospital sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan,” ani Pamintuan.

    Maaalalang sa administrasyon din ni Pamintuan bilang alkalde simula noong 1992 nang unang itayo ang General Hospital dito na pinangalanang ONA. Ito aniya ay sa tulong din ni Pampanga 1st District Congressman na si Carmelo “Tarzan” Lazatin na congressman din noon.

    Nagpatutsada rin si Pamintuan sa kasalukyang administrasyon at sinabing halos walang gamot sa ONA dahil sa ginawang P1 milyon na lamang ang pondo para dito mula sa P12-milyon.

    Sinabi din niya na hindi na dapat pang ilipat sa ibang ospital ang mga pasyente dahil lamang sa walang gamot at dahil sa walang perang pambayad ang mga ito.

    “Ang kalusugan at kaligtasan ng mga tao ang dapat na isipin. Karapatan ito ng mga Angeleño at marapat lamang itong ibigay sa kanila,” aniya.

    Makikita rin ang reklamo ng ilang mga Angeleño at mga manggagawa sa ONA sa isang Facebook account na pinangalanang AgyuTamu volunteers.

    Suot ang kulay berdeng damit, nag-file ng certificate of candidacy ang Team EdPam sa Commission on Elections (Comelec) dito kahapon kasama ang kanyang bise-alkalde na si Vicky Vega-Cabigting at ang 10 konsehales na sina: Edu Pamintuan, Atty. Pinggoy Lopez, Atty. Willie Rrivera, Alex Indiongco, Pandan Barangay Kapitan Jerry Alejandrino, Efren Dela Cruz, Jay Sangil, rey Gueco, Dr. Ruben Maniago at Maricel Morales.

    Kasama din ng grupo si Congressman Lazatin na sinamahan naman nila sa lungsod ng San Fernando sa pagpa-file ng COC. Tatakbong muli si Lazatin ng congressman sa unang distrito ng Pampanga kalaban si Konsehal Ares Yabut at Chito Bacani na nauna ng nagsumite ng kanilang COC noong Nobyembre 20.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here