Home Headlines Dumagsa sa ayuda ng DSWD, dismayado

Dumagsa sa ayuda ng DSWD, dismayado

609
0
SHARE
Nahimatay ang isang estudyante habang nakapila. Mga kuha ni Armand Galang

LUNGSOD NG CABANATUAN — Si Mercy, residente ng San Antonio, Nueva Ecija ay maagang nagbiyahe nitong Sabado patungo sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development-Nueva Ecija sa lungsod na ito para mag-apply ng educational assistance para sa kanyang anak na nasa senior high school.

Ngunit pasado alas-nueve ng umaga, habang nasa bandang dulo ng pila sa kahabaan ng Cabanatuan-Gen. Tinio Mabini Homesite, ilang daang metro mula sa DSWD provincial office, ay nanlumo siya nang malaman na kailangan pa pala ng valid student identification card ng kanyang anak.

Siksikang pila sa init ng araw.

Ang kanya lamang bitbit ay certificate of indigency at certificate of enrollment ng kanyang anak.

“Ako po ay nakikilabada lang. Bumale ako ng P200 para makarating dito tapos ay sasabihin na kailangan pa pala ng valid ID,” sabi ni Mercy. Sa Lunes pa lang ang pasukan kaya wala pang bagong ID, sabi niya.

Katulad ni Mercy, hindi matanggap mg maraming estudyante at magulang na dumagsa kung bakit kailangan ng valid student ID gayung mayroon na silang certificate of enrollment na galing mismo sa paaralan.

“Kapag naka-enroll kahit wala pang ID ay estudyante,” sabi ng isa pa na tumangging pangalanan.

Siksikang pila sa init ng araw.

Walang opisyal ng DSWD ang nagpaunlak na sumagot sa tanong hinggil sa aktibidad ngunit batay sa isang kawani na nagpapaliwanag sa isang matandang babae, kailangan talaga ang valid ID o certificate of No ID. Hindi tinanggap ng kawani ang lumang student ID na dala ng babae para sa kanyang anak.

Dahil sa nasabing requirement ay marami ang umuwing bigo kahit madaling araw pa lamang ay pumila na sila para sa ayuda.

Walamg opisyal na bilamg na inilahad ang DSWD hinggil sa dami ng mga dumagsa ngayong unang Sabado ng ayuda. Malaking bahagi ng lansangan ang kinailangang isara dahil sa siksikan ng mga magulang at estudyante bukod sa ilang daang metrong pila sa gilid nito.

Naging dahilan ng masikip na daloy ng trapiko sa ilang abalang lansangan sa business district ng lungsod ang aktibidad.

Bandang alas-9:30 ng umaga isang estudyante ang napaulat na nahimatay sa gitna ng siksikan ng mga tao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here