BALER, Aurora (PIA) — Nag-paalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa
mga grocery at supermarket sa Aurora na sumunod sa itinakdang price freeze.
Ito ay matapos isailalim ang lalawigan sa State of Calamity bunsod ng mga pinsalang natamo dahil sa mga magkakasunod na bagyong ‘Nika’, ‘Ofel’, at ‘Pepito’.
Sinabi ni DTI Aurora Consumer Protection Division Chief Pacita Bandilla na saklaw nito ang mga presyo at suplay ng mga basic necessities tulad ng de latang sardinas, tinapay, at deboteng tubig, at mga prime commodities gaya ng kape, gatas, at kandila.
Nagbabala si Bandilla sa publiko na nakasaad sa Republic Act No. 7591 o Price Act na parurusahan ang mga mahuhuling naghohoard ng mga pangunahing bilihin at muling pagbebenta sa mas mataas na halaga.
Makikita ang listahan ng mga kasalukuyang presyo sa official Facebook page ng DTI Aurora.
Tatagal ang price freeze hanggang Enero 18, 2025. (CLJD/MAT, PIA Region 3-Aurora)