ABUCAY, Bataan — Patay ang driver at malubha naman ang kalagayan ng pahinante matapos bumangga ang kanilang container van sa kasunod na dumptruck Biyernes ng madalingaraw sa kahabaan ng Roman Superhighway sa Barangay Calaylayan ng bayang ito.
Kinilala ang driver na nasawi na si Rolly Cesar ng Bulacan at pahinanteng si Elmer Culet ng Paranaque City. Idineklarang dead on arrival sa Bataan General Hospital sa Balanga City si Cesar kung saan isinugod din si Culet.
Pahirapan ang mga rescue workers ng Balanga City at provincial government sa pagtatanggal sa dalawa na naipit sa kanilang upuan. Gumamit pa ang mga rescuers ng extracting equipment at isang malaking payloader upang makuha ang mga biktima.
Bulusukin ang bahagi ng kalsada kaya sinuyod pa ng ilang metro ng kargadong container van ang kargado ring dumptruck. Nang maalis ang dumptruck sa pagkakadikit sa container van, tumambad ang wasak na wasak na unahan ng container van kung saan matagal na nakaipit ang driver at pahinante. Hindi nasaktan ang driver ng dumptruck na si Christoper Villagracia ng Tarlac at maging ang kanyang truck helper.
“Hindi ko kagustuhan ang nangyari. Nasa tamang linya naman ako. Kasunod ko siya, siguro nakatulog siya,” sabi ni Villagracia. Parehong papunta ang dalawang sasakyan sa direksiyon ng Mariveles, Bataan. Sinabi ng mga rescue workers na alas-5:10 ng umaga nangyari ang aksidente. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.