Home Headlines Donation box ng simbahan ninakawan

Donation box ng simbahan ninakawan

449
0
SHARE
Mga sobreng walang laman mula sa donation box. Kuha ni Ernie Esconde

SAMAL, Bataan — Isang hindi pa kilalang dalagita ang kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya matapos  pagnakawan noong Miyerkules ng umaga ang isang donation box ng Saint Catherine of Siena Parish Church dito na mahigit isang taon nang hindi umano nabubuksan.

Natagpuan ni Radino Afable, maintenance in-charge ng Samal Catholic Church, ang mga sobreng wala nang laman sa isang bakanteng lugar sa labas ng simbahan.

Nakita raw ni Afable ang dalagita sa loob ng simbahan na akala niya ay nanonood lamang ng pagsasanay ng mga bata para sa kanilang graduation. Isang guro rin umano ang nagsabi na nakita ang dalagita na nakaupo na akala ay nagdarasal.

Umakyat lamang daw siya sandali sa itaas ng simbahan ngunit pagbalik niya ay nakita na niya ang nagkalat na sobre na agad niyang ine-report.

“Hindi ko kilala ang itsura niya kasi unang-una ko pa lang siyang nakita dito.  Ang nakita na lang namin ay ang kuha doon sa CCTV na dala-dala niya ang plastic na may laman,” sabi ni Afable.

Hindi raw nila alam kung magkano ang kabuuang laman ng donation box na mahigit isang taon nang hindi nabubuksan.

Ang donation box na nakalagay malapit sa pasukan ng simbahan ay pinaglalagyan ng mga abuloy ng mga nagpi-pilgrimage, humihiling ng dasal, mga may kahilingan at iba pang nag-aabuloy ng pera.

“Mahigit isang taon na hindi nabuksan kaya marami ang sobreng nakita kong nakakalat dito kaya lang di natin malalaman ang bawat laman ng sobre kung magkano kasi di naman inilalagay ang presyo. Bale donation lang, walang presyong inilalagay,” sabi ni Afable habang itinuturo kung saan nakita ang mga sobreng wala ng laman.

Ipinagbigay-alam na raw ng simbahan sa pulisya ang pangyayari at kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon.

May balita na dalawang tindahan ang pinagpalitan ng pera ng suspek na sa isa diumano ay P12,000.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here