Sayang at hindi na pala nagawan ng paraan ang suggestion ng ilan na maihabol ng pamunuan ng Cinemalaya ang kahit isang pelikula lang ni Dolphy bilang tribute sa yumaong Comedy King.
Ang Babae sa Breakwater ng yumaong director na si Mario O’Hara ang opening film ng Cinemalaya Independent Film Festival and Competition 2012 sa July 20, 7:30 p.m., sa CCP Main Theater.
Para kay Aloy Adlawan, writer-producer-director ng Ang Katiwala, finalist sa New Breed Full Length Feature category, mas maganda sana kung may tribute ring naihanda para sa nag-iisang hari ng komedya.
Gaya ng marami, naisip ni Direk Aloy na magagawan ng paraan na makapag-open ng window ang Cinemalaya organizers para sa isang tribute kay Dolphy.
Baka raw kasi masyado nang late kung sa susunod na taon pa ito gagawin.
Understandable naman ang paliwanag ng organizers tungkol sa concerns sa logistics at marketing dahil magagahol nga naman kung pipilitin pang ihabol ang tribute sa Comedy King.
Anyway, sa mismong birthday ni Dolphy, July 25, 6:15, sa CCP Main Theater, nakatakda ang gala premiere night ng Ang Katiwala, pinagbibidahan nina Dennis Trillo, Althea Vega, atbp.
Kuwento ito ni Ruben (Dennis), isang karpinterong taga-Zambales na luluwas ng Maynila para mabigyan ng mas magandang buhay ang kanyang mag-inang sina Edna (Althea) at Budoy (Miggs Cuaderno).
Papasok siya bilang katiwala sa lumang bahay ng isang prominenteng tao na labis niyang hahangaan hanggang sa puntong tila napo-possess na siya nito.
Ang Ang Katiwala ang ikalawang directorial indie job ni Direk Aloy matapos ang matagumpay na Room Boy sa 2005 Cinemalaya indie filmfest at ikatlong pagpo-produce ng indie, one of which was Lovi Poe’s award-winning film, Mahoyan, nu’ng 2010.
Matagal nang nagkakatrabaho sina Dennis at Direk Aloy sa telebisyon. Nagkasama na sila sa GMA Network soaps gaya ng Magdusa Ka at Dwarfina at doon bumilib ang huli sa lawak ng acting range ng una.
Iba raw ang scope ng talent ni Dennis kaya ito ang napili ni Direk Aloy na magbida sa Ang Katiwala.