LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa leptospirosis lalo pa ngayong tag-ulan.
Ang leptospirosis ay isang nakamamatay na sakit sanhi ng leptospira bacteria na maaaring makuha sa pagkakaroon ng contact sa tubig baha, partikular ng mga taong may sugat, o pagkain at pag-inom ng tubig na kontaminado ng ihi at dumi ng mga infected na hayop tulad ng daga.
Kaya naman payo ni DOH Central Luzon Center for Health Development Medical Technologist Michelle Bautista na iwasan ang paglangoy, paliligo at paglusong sa baha upang maka-iwas sa naturang sakit.
“Kung hindi maiiwasan ang paglusong sa baha ay makabubuting gumamit ng proteksyon gaya ng bota at gwantes, kaagad na hugasan ng tubig at sabon ang bahagi ng katawan na nababad sa baha, at huwag hawakan ang mga may sakit o patay na hayop,” saad niya.
Kabilang aniya sa mga sintomas ng leptospirosis ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, hirap sa pag-ihi, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, pananakit ng tiyan, paninilaw ng balat at pamumula ng mga mata.
Dagdag pa niya, maaaring maapektuhan ang bato, baga at atay ng tao at humantong sa pagkamatay kung hindi maaagapan.
Ibinahagi rin ni Bautista na mula Enero 1 hanggang Hulyo 29 ngayong taon ay nasa 103 kaso na ng leptospirosis ang naitala sa buong Gitnang Luzon.
Ito ay mas mababa ng 22 porsyento kumpara sa kaparehas na panahon noong nagdaang taon.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang publiko na agad magtungo sa pinakamalapit na health center kung nakararanas ng mga sintomas upang agarang masuri at ma-endorso sa pinakamalapit na ospital kung kinakailangan.
Nagbibigay din aniya ang pamahalaan ng libreng gamot na doxycycline para sa mga taong nakararanas ng mga sintomas sa loob ng dalawang araw o may kasaysayan ng paglusong sa tubig baha. (CLJD/RPQ-PIA 3)