Home Headlines Dizon sa DPWH: Reporma o Recycling?

Dizon sa DPWH: Reporma o Recycling?

189
0
SHARE

MARAMI ANG bumati sa pagtatalaga kay Vince Dizon bilang bagong Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Para sa ilan, ito ay pagkakataon upang magdala ng bagong sigla at direksyon sa isang ahensiya na may malaking papel sa pagpapaunlad ng bansa.

Matagal nang aktibo si Dizon sa larangan ng pulitika at public service. Napabalitang nagsimula siya sa presidential campaign ng yumaong Fernando Poe Jr., tumulong din sa kampanya nina Rodrigo Duterte at Alan Peter Cayetano kung saan siya naging malapit na kasamahan ng huli. Siya rin ay naiulat na kabilang sa mga tumulong maghanda sa kandidatura ni Isko Moreno. Sa kanyang paglalakbay, ipinakita niya ang kakayahang makipagtrabaho sa iba’t ibang lider at makibagay sa magkakaibang administrasyon.

Kalaunan, si Dizon ay naging bahagi ng administrasyong Duterte, isang panahong madalas punahin dahil sa kakulangan ng transparency at pananagutan. Para sa kanyang mga tagasuporta, ito ay patunay ng kanyang versatility at kakayahang makabuo ng ugnayan sa iba’t ibang sektor.

Para naman sa iba, nananatili ang tanong kung paano niya magagamit ang karanasang ito upang magsilbing tunay na simbolo ng pagbabago sa DPWH. Hindi rin maiiwasan na may ilan sa ating mga kababayan ang nagtatanong: “Wala na bang ibang Pilipino?” Para sa kanila, kung nais ni Pangulong Marcos Jr. na patunayang seryoso siya sa paglilinis ng DPWH, kailangan niya ng mga lider na walang utang na loob sa padrino system, may tapang banggain ang lumang kultura ng pakikipagsabwatan, at higit sa lahat, may integridad, kredibilidad, at malinis na karanasan mula sa pribadong sektor na katanggap-tanggap sa publiko.

Sa puntong ito, malinaw na malaki ang hamon kay Dizon: itaas ang pamantayan ng serbisyo, tiyakin ang transparency sa paggamit ng pondo, at siguraduhin na ang mga proyekto ng DPWH ay tunay na makikinabang ang nakararami.

Kung tunay na reporma ang hangad, ang pamumuno ni Dizon ay magiging mahalagang pagsubok kung hanggang saan niya kayang dalhin ang ahensiya tungo sa mas modernong pamamahala at mas mataas na antas ng tiwala mula sa publiko.

Maganda ang recycling para sa kalikasan—ngunit sa pamahalaan, ang tanong ay kung ito rin ba’y makabubuti.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here