Home Headlines Dike nawasak sa high tide

Dike nawasak sa high tide

593
0
SHARE
Ang nasirang dike sa barangay Tawiran dahil sa hightide. (Kuha ni Kap. Leonardo Delos Santos).

OBANDO, Bulacan — Bumigay ang dike sa bahagi ng Barangay Tawiran sa kasagsagan ng high tide o paglaki ng tubig sa ilog kahapon.

Ayon kay Barangay Tawiran chairman Leonardo Delos Santos, bumigay ang nasa 20-metrong haba ng dike sa kanilang lugar at maapektuhan din nito ang mga residente sa kalapit lugar na barangay Paco at Lawa sa Obando kasama ang barangay Wawang Pulo sa Valenzuela City.

Ito ay karugtong ng kinumpuning dike sa boundary ng Obando at Valenzuela City na nasa kahabaan ng Meycauyan River na nasira din noong Hunyo 2022.

Ayon kay Delos Santos, bandang ala-1 ng hapon kahapon nang masira ang dike at mabuti na lang at pahupa na ang malaking tubig kayat walang gaanong naapektuhan na kabahayan.

Matagal na aniya nila itong napansin na may bitak na at bumigay kahapon sa kasagsagan ng mataas na tubig.

Agad naman aniyang tumugon ang pamahalaang lokal ng Obando at magdamag na tinapos ang paglalagay ng steel sheet piles bilang pansamantalang remedyo.

Aniya nakaplano naman na talagang gawin na konkreto ang dike dito ngunit naunahan lang ng pagkasira nito kahapon.

Matatandaan na buwan ng Hunyo ng nakaraang taon nang ilang linggo ding nilubog sa tubig ang kabahayan sa mga barangay ng Paco at Tawiran maging ang Barangay Wawang Pulo sa Valenzuela City matapos ngang masira ang nasabing dike na pumipigil sa tubig dito.

Pinagtulungan noon itong kumpunihin ng Obando LGU, Bulacan Capitol, at DPWH.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here