Home Opinion DIBORSIYO, NAPAPANAHON NA BANG ISA-BATAS?

DIBORSIYO, NAPAPANAHON NA BANG ISA-BATAS?

851
0
SHARE

Napapanahon na nga bang pairalin?
Diborsiyo dito sa inang bayan natin?
Masalimuot ang nagiging usapin
Sapagkat may pabor at may salungat din

Mga di sang-ayon hinggil sa diborsiyo
Ay ang ibat-ibang sektang Kristianismo
Pag-iisang dibdib ng dalawang tao
Ayon sa kanila’y napakasagrado

Ang konserbatibong mga mamamayan
Sa usaping ito ay tutol din naman
Nararapat lang daw na pahalagahan
Kultura’t tradisyon na nakamulatan

Ang kasal ay tipan sa atin ng Diyos
Ayon sa biblia sa sulat ni Marcos
Ang dalawang taong kanyang pinagbuklod
Walang sino man ang makapagbubukod

Isa pang dahilan ng di pabor dito
Magagamit lamang itong instrumento
Ng lalaking mayrong pagka-babaero
Kaya’t hindi dapat isa-batas ito

Paliwanag naman ng dito’y sang-ayon
Iba na ang takbo ngayon ng panahon
Kung wala ng saysay ang isang relasyon
Ay diborsiyo lamang ang tanging solusyon

Alangan naman na parehong magdusa
Habang panahon ang mga mag-asawa
Kung ang bawat isa’y hindi na masaya
Anong kabuluhan pa ng pagsasama?

At dahil sa kasal di makahulagpos
Lalaking biktima raw ng pamimikot
Kung mayrong diborsiyo pwede ng malagot
Ang taling sa leeg ay naka-pulupot

Ganoon din naman sa mga babae
Na nagka-asawa ng iresponsable
Sa buhay nila na naging miserable
Diborsiyo ang sagot upang makalibre

Sa tanikalang sa kanila’y nagbigkis
Na pinag-isa ng dahil sa pag-ibig
Ang pagsasama na sa dusa ay liglig
Hinagpis ang dulot at pagkaligalig

Sa diborsiyo nama’y may alituntunin
Kung saka-sakaling ito’y paiiralin
Ito’y mabusisi’t bago maihain
May imbestigasyon pa munang gagawin

Hindi madali ang magiging proseso
Sa nagnanais na makipag diborsiyo
Mayrong pamantayan na susundin dito
Ang mga hukumang hahawak ng kaso

Sa diborsiyo ba’y di masasamantala?
Ang mga babaeng kabaro ni EBA
Hindi kaya ito ang magiging mitsa
Sa pagkawasak ng maraming pamilya?

Ikaw ba ay payag na maisabatas?
DIBORSIYO dito sa bansang Pilipinas
Ito ba ang sagot upang makatakas?
Sa relasyong tigib ng dusa at dahas

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here