DAGDAG NA PINSALA. Sa paghupa ng bahang nagpalubog sa mga bayan ng Calumpit at Hagonoy ay patuloy na nalalantad ang lawak ng pinsalang hatid nito.
Makikita sa larawan ang bukirin sa Barangay Calizon, Calumpit na bukod sa lumubog sa baha ay nalibing pa sa buhanging tinangay ng malakas na agos ng baha na umapaw mula sa Angat River. Kuha ni Dino Balabo
CALUMPIT, Bulacan—Sapin-saping pinsala ang humagupit sa mga magsasaka sa bayang ito dahil hindi lang lumubog sa baha ang kanilang pananim, nalibing pa sa buhangin.
Maging mga loob ng bahay, bakuran, lansangan, at iba pang bukas na espasyo ay nakumutan ng makapal na buhangin.
Ito ay dahil sa malakas na agos ng malalim na bahang nagpa-apaw sa Ilog Angat sa bayang ito ilang oras matapos manalasa ang bagyong Pedring noong Setyembre 27.
Sa kasalukuyan, malaking bahagi ng bayang ito ay nagsisimula ng matuyo dahil sa patuloy na paghupa ng baha, maliban sa ilang mabababang lugar tulad ng Barangay Corazon, Bulusan, Sta. Lucia., Meyto, Panducot, Frances, San Miguel at San Jose partikular na sa Sitio Pulo.
Sa paghupa ng baha, nagsimula sa paglilinis ang mga residente bilang bahagi ng pagbangon, ngunit habang humuhupa ang baha ay patuloy ding natatambad sa kanila ang pinsalang hatid nito.
Isang halimbawa ay ang makapal na buhanging tumabon sa ekta-ektaryang bukirin sa Barangay Calizon, partikular na sa bahaging timog ng kalsadang nag-uugnay sa bayang ito at sa bayan ng Hagonoy.
Ayon kay Jun Santos, anak ng isang magsasaka sa bayang ito, ilang araw na lamang at aanihin na ang kanilang pananim na palay ng manalasa ang bagyong Pedring noong Setyembre 27 at sinundan ng malalim na pagbaha.
Ang pagbaha ay karaniwang nararanasan ng mga magsasaka sa bayang ito partikular na sa Barangay Calizon, ngunit ngayon lamang sila nakaranas na malibing sa buhangin ang kanilang pananim.
Ilan sa kanila ang nagpahayag na ang buhanging naglibing sa kanilang palay ay posibleng nagmula sa Ilog Angat at iniahon ng malakas na agos ng baha na umapaw noong gabi ng Setyembre 27.
“Napakabilis po kasi ng agos dito at napakalalim ng baha,” anhi ng isang residente na nagsabing may mga bahagi ng Barangay Calizon na ang bahay ay umabot sa lalim na 10-talampakan.
Batay naman sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), umakyat na sa mahigit P1-bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo at baha sa lalawigan.
“Malaki ang posibilidad na tumaas pa iyan habang humuhupa ang baha,” ani Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO.
Bukod naman sa mga bukirin, nakumutan din ng makapal na buhangin ang mga silong ng bahay, bakuran, lansangan at maging bakuran ng simbahan sa Barangay Calizon.
Noong Biyernes ng hapon, Oktubre 14, natiyempuhan ng Punto ang apat na kalalakihang nagpapala ng buhangin sa bakuran ng bisita ng Sta. Cruz sa nasabing barangay.
“Itinatambak lang namin sa dike sa Barangay Balungao,” ani Ruben Abanda isa sa mga naghuhukay ng tanungin kung saan nila dinadala ang buhangin.
Ang dike sa Barangay Balungao ay nabugta sa rumagasang tubig baha na naging dahilan sa paglubog ng kabayanan ng Calumpit.
Bilang isang residente ng Northville 9 Resettlement site sa Barangay Iba O’Este, sinabi ni Abanda na kumikita sila ng P18-0 bawat araw sa paghukay at paghakot ng buhangin.
“Mas mainam na ito kaysa walang ginagawa at kinikita,” aniya.


