Home Headlines DENR, PNP hindi matitinag ng ‘mob power’

DENR, PNP hindi matitinag ng ‘mob power’

689
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN – Nagpahayag ng pagkadismaya ang isang mataas na
opisyal ng Department of Environment and Natural Resources sa diumano'y
pangungunsinti ng ilang residente sa operasyon ng illegal logging katulad ng
nangyari sa Barangay Pias, Gen. Tinio, Nueva Ecija kamakailan.

Ayon kay Engr. Artemio Almazan, Jr., bagong hepe ng community environment
and natural resources office-South Nueva Ecija, nauunawaan nila na kailangan ang
kabuhayan ng maraming mamamayan subalit hindi makatwiran ang nagaganap na
pananalasa sa likas-yaman ng bansa.

Tinutukoy ni Almazan ang napaulat na pagkuyog ng mga residente, kabilang ang
ilang kababaihan at kabataan, sa apat na operatiba ng Nueva Ecija Police
Provincial Office na unang nakasakote sa 127 piraso o 6,833 board feet ng iba't
ibang uri ng illegally cut lumber o tabla sa pasigan ng Sumacbao River, Barangay
Pias nitong ika-6 ng Hulyo.

"Nakakalungkot 'yung mga ganung pangyayari na mismong mga tao, sila pa 'yung
mga parang kinukusinti nila 'yung mga ganong gawain," ani Alamazan, sa
pagsasabi na ang mga katulad na iligal na aktibidad ay posibleng magdulot ng
malubhang kalamidad katulad ng flashflood. 

Gayunman ay hindi raw matitinag ang kanilang tanggapan sa pagsasagawa ng
operasyon laban sa illegal logging, sa pakikipagtulungan na rin ng Philippine
National Police at Philippine Army.

Sa kanyang ulat sa DENR Central Luzon office, ay sinabi ni Almazan na mistulang
pulit-ulit na nagaganap ang ganoong sitwasyon, tinataguriang "people power" o
"mob power" kapag may magkasanib na operasyon ang mga otoridad.

"Although, such scenario does not discourage our workforce in implementing the
existing environmental laws, rules and regulations," ani Almazan.
Noong May 13, sabi ni Almazan, ay umaabot sa 1,720.33 bft ng mga tablang guijo
at yakal ang nakumpiska ng kanilang mga operatiba na kinabibilangan ng 20
kawani mula sa monitoring and enforcement office. 

Binanggit ni Almazan na maging ang DENR ay nagsasakatuparan ng mga
programang pangkabuhayan katulad ng Community-Based Forest Management
upang mailayo ang mga residente sa iligal na pamumutol ng kahoy.
Samantala, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang mga
nakumpiskang kahoy ay pinutol sa ibang probinsiya katulad ng Aurora at Bulacan

subalit sa Gen. Tinio pinaraan sa pamamagitan ng tinatawag na water logging o
pagpapaanod ng mga ito sa ilog, ayon kay Nueva Ecija police acting director Col.
Jess Mendez.

Babala pa ni Mendez, nakahanda na ang pulisya na arestuhin ang sinumang
susugod sa mga otoridad habang nagpapatupad ng batas. "It must end now," sabi
ni Mendez na tinutukoy ang "mob power". 

Inaasahang sa loob ng linggong ito ay maisasampa na ang kasong kriminal na
paglabag sa Presidential Decree 705 o Forest Protection Law laban sa dalawang
lalaki na sinasabing nadakip ng mga pulis ngunit puwersahang napatakas ng nag-
mob power na mga residente noong July 6.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here