LUNGSOD NG MALOLOS – Tampok ang decriminalization of libel sa isasagawang talakayan sa Bulacan State University (BulSU) sa Biyernes, Mayo 4 bilang bahagi ng sabayang paggunita sa World Press Freedom Day (WPFD).
Kaugnay nito, ipinayo ng isa sa mga abogadong tagapagtatag ng Center for International Law (Center Law) na dapat paigtingin ng mga mamamahayag ang pag-aamyenda sa batas na sumasakop sa paglilitis ng kasong libelo.
Inaasahang aabot sa halos 100 mamamahayag, mga guro at mag-aaral ng pamamahayag sa Bulacan ang lalahok sa pagsasagawa ng talakayan hinggil sa decriminalization of libel
Ito ay isasagawa sa Speech Laboratory ng BulSU na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Federizo Hall. Ang talakayan ay magsisimula sa ganap na ika-1 ng hapon sa Marso 4.
Ayon kay Rommel Ramos, pangalawang tagapangulo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter, ang talakayan ay naglalayong maipaliwanag ang kasong libelo.
“Napapanahon na maunawaan ang kasong libel dahil ito ay nagsisilbing hadlang sa malayang pamamahayag,” ani Ramos.
Iginiit pa niya na habang umuunlad ang teknolohiya, dumarami ang mga taong gumagamit ng internet at nagpapahayag ng mga komentong walang pakundangan sa mga social networking sites sa pananaw na walang libelo sa internet.
“Maraming misconceptions sa libel, kaya importanteng makadalo at makapakinig sa talakayan partikular na ang mga guro at mag-aaral ng pamamahayag upang malaman nila kung paano ito iiwasan at haharapin,” ani Ramos na siyang station manager ng Radyo Bulacan at isa ring mag-aaral ng batas sa BulSU Law School.
Para naman kay Maria Bundoc-Ocampo, ang tagapaglathala ng pahayagang Punla, hindi biro ang makasuhan ng libelo.
Iginiit niya na ito ay dahil sa ang kasong libelo ay isang krimen.
“Yung proseso ng pagsasampa at paglilitis sa libel ay katulad ng sa mga criminal cases, kapag natukoy na may probable cause o malice, kasunod na ang warrant of arrest, at kung wala kang pang piyansa, kulong ka agad,” ani Bundoc-Ocampo na nakaranas na ring makasuhan ng libelo bilang isang dating patnugot sa isang pahayagang pang-araw-araw.
Ang talakayan para sa Decriminalization of Libel ay inorganisa ng Philippine Press Institute (PPI), at Philippine Press Council (PPC) sa pakikipatulungan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Ito ay suportado ng Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas, bilang bahagi ng pagdiriwang ng WPFD sa Mayo 4.
Una rito, sinabi ni Abogado Joel Butuyan, isa sa dalawang abogadong nagtatag ng Center Law na dapat na lalong paigtingin ng mga mamamahayag ang kampanya para sa decriminalization of libel.
Sa kanyang talumpati sa mga lumahok sa katatapos na PPI National Press Forum na isinagawa sa Traders Hotel noong Abril 24, sinabi ni Butuyan na ang kasong libelo ay nakapaloob sa Revised Penal Code (RPC) ng Pilipinas na pinagtibay 82 taon na ang nakakaraan.
Sa kaso ng brodkaster na si Alexander Adonis ng Lungsod ng Davao, siya ay nahatulan at nabilanggo noong 2007 dahil sa pagsasahimpapawid sa kanyang programa sa radyo ng balitang nalathala sa pahayagang nakabase sa Maynila kung saan ay sinasabing si dating House Speaker Prospero Nograles ay nahuling tumatalilis sa isang hotel ng hubo’t huban matapos mahuli ng asawa ng kanyang diumano’y kalaguyo.
Si Adonis ay binigyan ng parol noong 2008.
Ayon kay Butuyan, idineklara ng United Nations Human Rights Committee (UNHCR) na ang batas na sumasakop sa kasong libelo sa bansa ay lumalabag sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) kung saan ang Pilipinas ay isa sa mga lumagda.
Ang deklarasyon ng UNHCR ay kaugnay ng reklamo ni Adonis.
Ayon kay Butuyan, isinasaad ng UNHCR’s General Commentary 34 ang sumusunod, “Defamation laws must be crafted with care to ensure that they comply with paragraph 3, and that they do not serve, in practice, to stifle freedom of expression.”
Isinasaad naman ng paragraph 3 ang sumusunod: “Freedom of expression is a necessary condition for the realization of the principles of transparency and accountability that are, in turn, essential for the promotion and protection of human rights.
“Ang hamon sa mga mamamahayag ngayon ay kumbinsihin ang gobyerno sa isinasaad ng UNHRC sa pamamagitan ng lehislasyon” ani Butuyan.