Dati kerin Kapampangan?

    895
    0
    SHARE
    Isasagawa ang unang pambansang kumperensiya ng Bulacan-Pampanga para sa Kasaysayan, Sining at Kalinangan sa Holy Angel University sa Angeles City sa Mayo 12- hanggang 14.

    Ang kumperensiyang ito ay may temang “Sangang-daan, Iisang Daan” ay itinataguyod ng Arte Bulakenyo Foundation Inc., (AGFI) sa pakikiisa ng Juan D. Nepomuceno Center for Kapampangan Studies, Bahay Saliksikan ng Bulacan, sa tulong ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.



    Layunin ng kumperensiya ang maipakita ng pormal ang ugnayan ng dalawang dakilang lalawigan, partikular na sa pagkakapareho ng kanilang kasaysayan, kultura at kalinangan.

    Ito ay mahalaga para sa pagkakaunawa ng kasalukuyang henerasyon ng dalawang  lalawigan na pinaghiwalay ng ilog at lengwahe.



    Batay sa librong inakda ni ng beteranong mamamahayag na si Bong Lacson, ang pagsasanib o pagkakaisa ay minsan ng ipinayo ng yumaong si dating Senador Blas Fajardo Ople, na ang ina na si Segundina Fajardo ay lahing Kapampangan.

    Itinala ni Lacson sa kanyang librong “Of the Press” ang minsa’y ipinahayag ni Ka Blas na “dapat magkaisa ang mga taga-pampang at mga tag-ilog.”



    Ayon naman sa mga mananaliksik na si Ian Christopher Alfonso, may mga tala sa kasaysayan na nagsasabing ang lalawigan ng Bulacan ay dating bahagi ng Pampanga, at ang unang kabisera ng Pampanga ay ang bayan ng Bulakan na siya ring naging unang kabisera ng Bulacan, matapos ang paghihiwalay ng dalawang lalawigan.

    Ayon kay Alfonso, para sa mga Kastila, ang lahat ng pamayanan sa hilaga ng Maynila at timog ng ngayon ay lalawigan ng Pangasinan at Tarlac ay tinagurian noong “Pampang” dahila karaniwan sa kanila ay naninirahan sa mga pampang ng ilog.



    Ang pananaw at paglalarawang ito ng mga Kastila ay hindi imposible dahil noong sa panahon na kanilang narating ang Bulacan at Pampanga, ang mga mamamayan sa dalawang lugar at pawang naninirahan sa gilid o pampang ng mga ilog.

    Ito ay dahil sa ang pangunahing modo transportasyon noon sa dalawang dakilang lalawigan ay ang malalawak na kailugan, na siya ring pinagkukunan ng mga pagkain tulag ng mga isda.



    Unang nabanggit naman  sa kasaysayan ang pagsasama ng mga Kapampangan at mga Bulakenyo, partikular ng aking mga ninuno sa bayan ng Hagonoy, noong Hunyo 3, 1571 kung kailan naganap ang Labanan sa Bangkusay.

    Napabantog ang dalawang lalawigan sa labanang nabanggit dahil iyon  ang unang paglaban ng mga Pilipino na ang misyon ay kalayaan.



    Noon namang taong 1762, ang Bulacan at Pampanga ang napiling huling kanlungan ng pamahalaang Kastila matapos na pansamantalang masakop ng mga sundalo ng Inglatera ang Maynila.

    Sa panahong iyon, nasasakop pa ng Pampanga ang mga bayan ng Calumpit, Pulilan, Baliuag pati na ang bayan ng Bustos ngayon, at San Miguel de Mayumo.  Ang mga nasabing bayan ay sakop ng Pampanga hanggang taong 1842.



    Ang lalawigan din ng Bulacan at Pampanga ang paboritong tourist destination ng pamahalaang Kastila noon kapag may dumarating silang panauhin mula sa ibayong dagat tulad nina  Haring Norodom I ng Cambodia, Alexis Alexandrovich na isang archdukre ng Rusya.

    Ito ay dahil sa walang kasing ganda ang mga tanawin o eco-tourism sites noon sa mga bayan ng Bulakan, Malolos, Plaridel, at Calumpit.  Kaya naman tinagurian ng mga historyador ang Bulacan noon bilang “Jardin de Pilipinas.”



    Siyempre, pagkatapos ng eco-tour sa Bulacan, ang mga panauhin ng mga Kastila ay kanila namang dinadala ay ipinapasyal sa sa marangang mansiyon ng mga Arnedo sa Sulipan, Apalit sa tabi ng Rio Grande de Pampanga.   Dahil dito, napatanyag  noon gang kakaibang lutin at kagamitang pangkusina na tinawag na Cocina Sulipenia.



    Sa larangan ng pagiging makabayan, hindi pa rin maitatanggi ang pagkakauugnay ng Bulacan at Pampanga dahil sa maraming anak nila ang lumaban para sa kalayaan.  Ilan sa kanila ay sina Felipe “Apo Ipe” Salvador ng Baliuag kasama ang kanyang grupong Santa Iglesiya na nagkuta sa Bundok ng Arayat.

    Nariyan din sina Benigno Ramos ng Bulakan, Bulacan at kanyang grupong Sakdalista; Bernardo Poblete ng Macabebe at Luis Taruc ng San Miguel, Bulacan at San Luis, Pampanga na nagtatag ng Hukbalahap; Pedro Abad Santos ng Sa Fernando, at ang magkakapatid na Lava ng Bulakan na nagsipagtayo ng kilusang sosyalismo.



    Ito ay ilan lamang sa mga pagkakatulad at patunay ng mahabang ugnayan ng lalawigan ng Bulacan at Pampanga na masasalamin sa mahabang kasaysayan ng dalawang lalawigan.

    Alamin pa natin ang mas maraming impormasyon sa ugnayan ng dalawang lalawigan sa pamamagitan ng pagdalo sa unang pambansang kumperensiya ng Bulacan-Pampanga para sa Kasaysayan, Sining at Kalinangan sa Holy Angel University sa Angeles City sa Mayo 12- hanggang 14.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here