Damay pati na bagong salta

    354
    0
    SHARE

    NGAYONG napipintong tuluyang mawalan
    ng ‘pork barrel’ o ng PDAF si Congressman;
    At ang Senate pati na rin Malakanyang,
    may susunod pa ba na matatangalan?

    Ng biyayang siksik, liglig, umaapaw
    na pasimple at malayang nananakaw
    ng nakararami – at napapalitaw
    nilang sa proyektong pambayan nalusaw;

    Pero ang totoo ay sa bulsa lamang
    pala ng maraming buwayang kati riyan
    napunta at sukat ang kuwarta ng bayan;
    At di sa proyektong dapat pagkalagyan!?

    At kung saan yan ay madaling nagawa
    nitong mga ubod ng kapal ang mukha
    sa pamamagitan na rin nitong kapwa
    nilang limatik at sanay na mandaya

    Na ni kahit walang proyektong natapos
    para sa salapi nilang nakurakot,
    Ito ay maluwag na napapalusot
    nilang ‘fi nished project’ sa kanilang report

    Pero nang siyasatin ito’y maliwanag
    na napatunayang ‘ghost project’ ang dapat
    sana ay tapos na nga ayon sa ulat
    na isinumite ng naging kasabuwat.

    Sakali’t mayroon man base sa ‘ocular
    inspection’ ng ating kinuukulan,
    Pero poste lang at baku-bakong daan
    ang maliwanag na kanilang dinatnan

    Kung ito ay isang multi-purpose bulding
    at kung kalsada yan – ito’y “rough borad pa rin;
    Kaya malinaw na masasabi nating
    ya’y “graft & corruption” nang maituturing

    O sa simpleng sabi ay maliwanag pa
    sa sikat ng araw – na ang opisyal na
    marapat tumingi at mag-sertipika,
    na ya’y “fi nished project,” kakutsaba nila.

    Bagama’t posibleng walang kinalaman
    Ang mga Senador natin at Congressman
    Sa mga bogus na proyektong naturan
    Ay may marapat din yatang panagutan.

    At yan ang pagiging pabaya kumbaga
    sa tungkuling dapat harapin sa tuwina,
    Ano’t ang “pork barrel” o PDAF nila
    ay di bantayan kung saan dinadala?

    At anong ‘offi cial capacity’ nitong
    si Ms. Napoles at nagawa ang gayong
    maituturing na grabeng pandarambong
    sa kaban ng bayan – na di lamang milyon

    Kundi maliwanag na ‘billions of pesos’
    itong sa Congress at Senate nakurakot
    nitong si Napoles at iba pang sangkot
    Sa ‘pork barrel scam’ na biglang nag-‘oink-oink’

    At ang kahantungan ay posibleng tiyak
    na kanselasyon ng kaukulang PDAF
    para sa Senadores at Kongresistas,
    kasama na pati si PNoy, (kung payag?)

    Dahilan na rin sa pati bagong salta
    sa Senate at Congress, damay din kumbaga
    sa di mabibigyan nitong PDAP nila
    Gayong sa ‘nakawan’ di sila kasama?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here