ANG PENTEKOSTES ay araw ng pagdiriwang ng pagdating ng regalong dulot ng pagkabuhay ni Kristo at pag-akyat niya sa langit: ang Espiritu bumaba at lumukob sa mga alagad upang magpatuloy sa pamamagitan nila ang misyon ni Kristo. Ano ang misyon na iyon? Ang misyon na baguhin, hindi lang sila, hindi lang ang sangkatauhan, kundi ang buong sanlibutan sa pamamagitan nila.
Iyon ang sinasabi ng isa sa pinakamatandang panalangin sa Espiritu Santo: Come Holy Spirit:
Come, Holy Spirit, fill the hearts of Thy faithful
and kindle in them the fire of Thy love.
Send forth Thy Spirit and they shall be created.
And Thou shalt renew the face of the earth.
Sa Tagalog:
Halina, Espiritung Banal, puspusin mo ang mga puso ng iyong mga mananampalataya
at pagningasin mo sa kanila ang apoy ng iyong pag-ibig.
Hayaan mong umihip sa kanila ang banal mong hininga
upang sila’y malikha at upang sa pamanagitan nila ang daigdig ay maging isang bagong sangnilikha!
Apoy ng Pag-ibig ang tawag sa Espiritu Santo. Sa Latin ang salita para sa pag-ibig ay CARITAS, na sa Ingles ay CHARITY. May kasabihan tayo sa Ingles: “Charity begins at home.” Sa tahanan daw nagigising ang kagandahang-loob ng tao, natutong magmalasakit at lumabas sa sarili. Totoo naman, di ba? Kaya nga napaka-importante ng pamilya, kasi ito ang unang eskwelahan natin. Dahil karamihan sa atin lumaki sa hirap, sa mesa tayo natuturuan unang magmalasakit, at matuto sa pakiramdaman. Hindi ba pag pinakakain ang mga aso sa iisang kainan, natural lang na kung pare-pareho silang gutom, mag-uunahan sila, minsan mag-aaway pa nga dahil lahat sila walang ibang hangad kundi ang makakain nang sapat at mabusog? Ganyan kasi ang hayop.
Pero tayo, kahit hayop din tayo, alam natin higit pa tayo sa hayop. Tao tayo, marangal. Kaya tinuturuan tayo na magpakatao, isipin ang kapakanan at ikabubusog hindi lang ng sariling tiyan, kundi ng bawat isa. Iyan ang charity—pag-ibig o pagmamahal. Sa pamilya tayo unang natuturuang makipagkapwa, mag-isip sa kapakanan ng isa’t isa, magmahal, para maging tunay na tao, para magpakatao.
Ang Pentekostes ay tungkol sa pagbubuo ng Diyos ng pamilya, tungkol sa tahanan na gustong buuin ng Diyos, na ang miyembro ay hindi lang mga kadugo—kundi buong sangkatauhan (ibig sabihin, maituring na kapatid ang lahat ng kapwa tao), buong sanlibutan (lahat ng kapwa nilalang). Kaya ipinagdiriwang din natin ang Pentekostes bilang simula ng LAUDATO SI WEEK na ang tema ay “Mga Unang Bunga ng Pag-asa.” Parang harvest festival kasi ang orihinal na Pentekostes ng mga Hudyo. Shabuoth ang tawag nila sa Hebreo, araw ng pasasalamat para sa anihan, o sa unang bunga ng lupa. Kasabay ito, para sa kanila ng pagtanggap nila ng Sampung Utos ng Diyos para sa matuto silang mabuhay bilang katipan ng Diyos, matutong umibig sa Diyos nang higit sa lahat at umibig sa kapwa na gaya nang sarili. Ibig sabihin, maging pamilya ng Diyos.
Oo, totoong “Charity begins at home,” nagsisimula sa pamilya ang pag-ibig. But it should not end at home. It begins there, nagsisimula lamang. Kailangan siyang malubos at mabigyan ng kaganapan. At ito ang misyon ni Kristo, na siyang dahilan para sa Pentekostes. Para matupad ang Pangarap ng Diyos na mabago ang buong daigdig upang maging pamilya ng Diyos—tumanggap ng bagong dila, hindi dilang laman kundi dilang apoy—simbolo ng wika o linggwahe ng Diyos, and linggwahe ng CARITAS, PAG-IBIG. (Iyon ang Espiritu: ang apoy ng Pagibig ng Diyos, the fire of God’s love, na siya lang makapagbabago sa daigdig at sa relasyon ng tao, hindi lang sa kapwa tao kundi sa lahat ng kapwa nilalang.
Kaya naging inspirasyon ni Pope Francis ang panalangin ni St. Francis of Assisi sa kanyang encyclical na Laudato Si—Care for the Earth, our Common Home. Tungkol sa mas malawak at mas malaking tahanan na nais likhain ng Diyos.
“Purihin ka, Panginoon ko, sa lahat ng iyong mga nilikha,
Lalo na kay Araw na aming kuya
Upang sa pamamagitan niya’y masikatan kami ng iyong liwanag…
Gayundin sa buwan at mga bituin na aming mga ate sa langit
Hinubog mo sila upang aming mamalas sa pamamagitan nila ang iyong kaningningan…
Gayundin ang simoy ng hangin na kapatid rin namin,
upang sa pamamagitan niya lahat kaming iyong mga nilikha ay maginhawang makahinga
Gayundin sa ate naming tubig na hindi rin iba sa amin ,
Purihin ka sa kapatid naming apoy at sa lupang aming nanay upang sa pamamagitan niya kami rin ay umusbong, mamukadkad at laging maging mabunga
Gayundin kay ateng kamatayan na di maiiiwasan ninuman sa amin…”
Malasakit ang tawag natin kapag nararamdaman na natin ang sakit na pinagdadaanan ng mga taong malapit sa atin. Bakit? dahil kapamliya ang turing mo sa kanila, parang nakaugnay ka na sa kanila. Ang nakakaapekto sa kanila ay nakakaapekto na rin sa iyo. Pero sa Pentekostes, ang itinatanim na pag-ibig na Diyos, ang hininga na ibinibigay sa atin, ang apoy na sinisindihan sa mga puso natin ay pag-ibig na nag-uugnay sa atin hindi lang sa kadugo, hindi lang sa kalahi, hindi lang sa kapwa-tao, kundi sa lahat ng kapwa nilikha. Pinalalaki ang ating tahanan—buong sanlibutan, pati araw at hangin, buwan at bituin, tubig, lupa, apoy, lahat ay nakaugnay na sa atin.
Isa sa mga lumang kantang Pilipino na para sa akin ay magandang inspirasyon para sa diwa ng Pentekostes ay ang IKAW AKO MAGKAKAPATID ng New Minstrels.
Ito ang awit na Espiritu Santo:
Matutuhan lang ng bawat nilikha
Ang umibig sa tao at daigdig
Lungkot nila’y mapapawi
Ligaya’y ngingiti
Pag-ibig at pag-asa
Ang damdaming gigising
Sa taong nahimbing
Ang tunay na ligaya
Sa ating mga puso
Muling magniningning
Ikaw at ako
Hindi man magkalahi
Ay dapat matutong magmahal
Ituring mong tayong lahat
Ay magkakapatid.
(Homiliya para sa Linggo ng Pentekostes, 19 ng Mayo 2024, Jn 20:19-23)