DAHIL SA SHELLFISH BAN
    Magtatahong sa Bataan gutom na

    253
    0
    SHARE

    SAMAL, Bataan- Gutom na raw ang mga taong umaasa sa pagtatahong at pagtatalaba dahil sa patuloy na shellfish ban sa Bataan dulot ng red tide na nagsimula noon pang ika-2 ng Nobyembre 2013.

    Normal naman at lumalakas pa ang kalakalan ng ibang lamang-dagat tulad ng isda, pusit, alimango, alimasag, hipon sa mga pamilihan sa Samal at Orani, mga bayan ng Bataan kung saan maraming tahungan.

    “Nag-Pasko’t Bagong Taon wala kaming nakuhang tulong sa gobyerno. Sana nakakuha kami ng kahit kaunting tulong para nakapagtinda kami ng iba habang ipinagbabawal pa ang tahong,” daing ni Criselda Banal ng Barangay Tabing- Ilog, Samal.

    Isa si Banal sa mga nagtitinda ng tahong at talaba sa tabi ng MacArthur Highway sa Samal. Mula nang ibaba ng
    Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang shellfish ban, naging labahan na lamang at paradahan ng tricycle ang pwesto na dati-rati’y nakatambak ang talaba at tahong.

    Sa huling advisory ng BFAR nitong Enero, bawal pa rin ang panghuhuli, pagbebenta at pagkain ng shellfi sh mula sa mga bayan ng Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, Limay at Mariveles at Balanga City.

    May lima umanong anak si Banal na ang apat ay papasok nang muli sa eskwelahan matapos ang bakasyon.

    “Wala kaming income para baon at panggastos ng mga bata. Wala kaming ibang trabaho kundi ang pagtatahong kung saan kinukuha naming lahat ang aming ikinabubuhay,” sabi ng babae habang naglalaba.

    Isang matandang babae naman na isa ring tindera ng tahong at talaba ang nakikiusap sa BFAR na huwag lamang kuha ng kuha ng sample ng tahong ang gawin kundi ipaalam din sa kanila ang tamang resulta ng pagsusuri.

    “Gutom na ang inaabot namin. Pasukan na naman at wala kaming maisusuporta sa mga bata. Hindi namin hangad na rasyunan ng rasyunan kami kundi bilisan sana ang pagsusuri para makapaghanap-buhay uli kami,” sabi ng matanda.

    Sinabi pa nito na patuloy ang pagkain nila ng tahong at wala namang nangyayari sa kanila. Sa dalawang malalaking public market at fi shport sa Samal at Orani ay malakas naman ang bentahan ng mga isda at ibang lamang-dagat.

    “Ayos ang benta namin kahit na may balitang may red tide dahil ang isda naman hindi apektado, tahong lamang,” sabi ng tinderang si Imelda Sebastian ng Orani.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here