DAHIL SA PANANAMBANG SA TSINOY
    Task Force Amil binuo ng Bulacan PNP

    315
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Binuo na ng pulisya ng Bulacan ang Task Force Amil para sa madaling pagresolba ng kaso ng pananambang sa isang negosyanteng Tsinoy kung saan ay apat pa niyang kapamilya ang nasugatan.

    Sinabi ni Senior Supt. Allen Bantolo, acting provincial police director ng Bulacan, ang TF Amil ay binubuo ng ibat-ibang sangay ng pulisya.

    Ito ay pinamumunuan ni Chief Inspector Julius Ceasar Mana, ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) sa Bulacan.

    Kabilang sa mga bumubuo sa Task Force Amil ay mga pangunahing tauhan ng CIDT, Bulacan Crime Laboratory,  provincial intelligence branch ng Bulacan PNP, at ng pulisya ng bayan ng Guiguinto.

    Ang pananambang ay naganap sa kahabaan ng spur road ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Barangay Tabe sa bayan ng Guiguinto noong Lunes kung saan ay pinagbabaril ang mga sakay ng isang puting Ford Expedition ng mga di kilalang salarin na diumano’y nakasakay sa asul na Toyota Altis.

    Nasugatan sa nasabing pamamaril ang sakay ng Ford Expedition na sina Alfamil “Amil” Yap, Andrea Sevilla, Elizabeth Mercadero, Angelo Kent at Alwina Sevilla.

    Hindi naman nasugatan si Echo Mercadero isa pang sakay ng Expedition, sa halip ay nakaganti siy ng putok sa mga salarin.

    Ayon sa pulisya, kung hindi gumanti ng putok si Mercadero ay maaring tinuluyan ng mga suspek ang buong pamilyang nakasakay sa Expedition.

    Patungkol naman sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Bantolo na kasalukuyan nilang nirereview ang recording  ng mga close circuit television (CCTV) sa mga NLEX toll plaza.

    Gayunpaman, sinabi niya na patuloy pa rin silang naghahanap ng lead sa mga suspek.

    Hinggil naman sa motibo ng pananambang, sinabi niya na tinitingnan nila ang anggulo ng kumpitensya sa negosyo at kaugnayan ng katatapos na pananambang sa pananambang sa kapatid ni Yap noong nakaraang taon na naging susi ng buhay nito.

    Samantala, sinabi naman ng ilang source na pinagaaralan ng pulisya ngayon ang mga dokumentong nakuha sa Ford Expedition matapos ang pananambang.

    Kabilang sa mga dokumento na nakunan ng video footage ng local television station ay ang papeles mula sa korte na nagsasabing kinasuhan ang isang opisyal ng Bureau of Customs at Department of Finance.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here