DAHIL SA CHILI SAUCE
    Bagitong pulis namaril, nakapatay

    214
    0
    SHARE

    CASTILLEJOS, Zambales – Kalaboso ang sinapit ng isang bagitong pulis matapos nitong barilin ang umaawat sa kanya nang ito ay makipagtalo sa mga menor de edad na kumakain ng goto at mami sa isang karinderya sa Barangay San Juan sa bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.

    Kinilala ni Senior Inspector Jose Arca, hepe ng Castillejos Municipal Police Station, ang suspek na si PO1 Jephte Doroja, 29, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion sa Region lll at residente ng No. 1708 Velasquez St., Tondo, Manila.

    Sa imbestigasyon ng pulisya nagtungo sa karinderya ang suspek at inabutan na kumakain ng goto at mami ang tatlong menor de edad at ang biktimang si Erick Garcia, 31, residente ng San Nicolas, Castillejos.

    Pinaabot ng tatlong kabataan ang “chili sauce” sa suspek na ikinagalit umano nito at dumating ang punto na
    nagkaroon ng pagtatalo. Namagitan ang biktima at sinabihan ang suspek na “Sir, ‘wag mo nang patulan ang mga yan, bata lang ang mga yan,” na lalong ikinagalit ng suspek at humantong sa suntukan.

    Sa pag-aakalang dadaigin ng biktima ang suspek, nagbunot ito ng kayang caliber 40 pistol na baril at saka pinaputukan ang biktima na tinamaan sa dibdib. Kaagad na isinugod sa San Marcelino District Hospital ang biktima, subalit ideneklara itong dead on arrival sa nasabing pagamutan.

    Ang suspek ay nasa custody na ng Castillejos PNP at ipaghaharap na ng kaukulang kaso.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here