CARRANGLAN, Nueva Ecija – Matapos ang halos siyam na buwan, tanggap na ni Benido Vidal, Sr., 33, na ipinagpalit siya ng kanyang maybahay na si Cristy, 28, sa isang 28-taong gulang na ka-barangay.
Ngunit hindi ang makita silang nagsasama mismo sa kanilang lugar.
Sa ulat na nakarating kay Senior Supt. Roberto Aliggayu, direktor ng Nueva Ecija police provincial office (NEPPO), nagtungo si Vidal, nakatira sa Barangay Bunga ng bayang ito sa himpilan ng pulisya nitong ika-17 ng Setyembre upang pormal na maghain ng reklamong “concubinage” at “adultery” o pakikiapid laban kay Cristy at sa sinasabing kinakasama nito na nakilalang si Loreto Esteosta, residente rin ng naturang lugar.
Ito ay matapos mapag-alaman na hanggang noong Sept. 15 ay nananatili pa rin ang dalawa sa kanilang lugar sa kabila ng umano’y kasunduan na hindi na sila hahabulin pa ni Vidal sa kondisyong lilisanin nila ang Barangay Bunga.
Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa pulisya, noong ika-5 ng Enero ay isinama ni Cristy ang isang anim na taong gulang na nak na lalaki upang magtungo umano sa Carranglan Public Market subalit hindi na bumalik mula noon.
Isang araw nitong Agosto, isang kapatid ni Cristy na nakilalang si alyas Kiko ang nagtungo sa kanilang bahay at inihatid ang bata kasabay ng pag-amin na ang kanyang kapatid ay nakikisama na kay Loreto sa Barangay Unsad, Villasis, Pangasinan.
Batay pa rin sa imbestigasyon, noong ika-30 ng Agosto, isang anak ng mag-asawa ang nagsabi kay Vidal na nakita niya ang kanyang ina, si Cristy, na naglalakad patungong Sitio Silvana, Barangay Bunga ng bayang ito.
Sinabi ni Vidal sa pulisya na kaagad siyang nagtungo sa lugar kung saan umano patungo ang babae at inabutan niya nga umano itong yakap-yakap ni Estoesta sa tahanan ng isang Ruby Estoesta, kapatid ng lalaki.
Sinabi ng pulisya noong ika-6 ng Setyembre ay nagharap umano ang tatlo sa presensya ni Barangay Kapitan Jacinto Santos at nagkasundo silang hindi na maghahabol si Vidal basa’t lilisanin lamang nila ang kanilang lugar.
“They were given the target date of up to September 15, 2011 to move to another place,” ayon sa ulat kay Aliggayu. Gayunpaman, sa halip umanong lumayo ay lumipat lamang ng bahay sa sitio ring yaon sina Cristy at Estoesta.
Paniwala umano ni Vidal, hindi dapat makita ng kanyang mga anak ang ginagawa ng kanilang ina kaya napilitan siyang magsampa ng kaso laban dito.