STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Isinusulong ngayon ng isang mambabatas mula sa Nueva Ecija ang pag-amyenda sa RA 11598 o Rice Tariffication Law upang madagdagan ng P5-bilyon ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ang pondo sa pamamahagi ng suporta sa mga magsasaka.
Ayon kay Nueva Ecija 1 st District Rep. Mika Suansing, kanyang inihain ang House Bill 212 upang itaas ang alokasyon ng RCEF mula sa P10 bilyon patungong P15 bilyon at mapag-ibayo ang suporta sa mga magsasaka.
"Yung karangdagang P5 bilyon na ating ipinapanukala ay mapupunta sa probisyon ng subsidiya para mabigyan ng libreng pataba, pesticide, kemikal," ani Suansing,
vice chairperson ng House committee on agriculture and food. Ito, aniya, ang isa sa kanyang mga prayoridad.
Kabilang sa mga nilalaman ng panukala ay ang pagtataas ng alokasyon sa mekanisasyon kung saan mula sa kasalakuyang P5 bilyon patungo sa P5.5 bilyon. "Nandun pa rin naman 'yung kasalakuyan na alokasyon na pagbibigay ng libreng binhi, libreng training nandun pa rin po 'yun, at saka yung credit– pautang para sa ating mga magsasaka," paliwanag ni Suansing.
Katulad ng kasalakuyang P10-bilyon RCEF, maaaring manggaling sa taripa na nakukolekta mula sa Rice Tariffication Law ang karagdagang P5 bilyon, pahayag ng mambabatas.
"Nakita ko, in-analyze ko kasi 'yung revenues, buwis o tariff na nakukolekta ng ating gobyerno mula sa bigas at inaabot po iyon ng on average P15 billion to P18 billion per year kaya sinasabi ko na pwede tayong maghila ng karagdagang pondo mula sa kinikita sa taripa," ayon pa sa kanya.
Ibinahagi ng first-term legislator na inihain niya ang panukalang batas batay sa resulta ng kanyang malawakang pag-aaral sa suliranin na kinakaharap ng mga magsasaka ng kanyang distrito at buong bansa matapos makipag-ugnay sa mga taga-sektor ng agrikultura. "Pinag-aralan ko po talaga itong Rice Competitiveness Enhancement Fund at ang implementasyon nito, iyon 'yung nakita ko. Talagang pare-pareho 'yung kinakaharap na pagsubok, 'yung mga implementation challenges pagdating po dito sa RCEF," aniya pa.
Samantala, sa nakalipas na tatlong araw ay personal na pinangasiwaan ni Suansing ang pagtanggap ng mga kinakailangang dokumento para sa 3,500 na mag-aaral sa kolehiyo.