Dagdag na pasilidad ng BMC pinasinayaan, Ona humanga

    418
    0
    SHARE

    Sila ang nag-gagandahang nurses sa Bulacan Medical Center. Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang BMC ang pinakamagandang ospital sa buong bansa na nasa ilalim ng pamamahala ng pamahalaang panlalawigan.

    Kuha ni Dino Balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS – “Ito ang pinakamagandang provincial hospital sa buong Pilipinas.”

    Ang mga katagang ito ang namutawi sa bibig ni Health Secretary Enrique Ona matapos pasinayaan ang mga bagong pasilidad ng Bulacan Medical Center (BMC) sa lungsod na ito noong Martes, Marso 13.

    Dahil sa paghanga, ipinangako ng Kalihim na bibigyan niya ng makabagong CT Scan machine ang BMC, isang MRI machine para higit na makatugon ito sa mga pangangailangan ng mga Bulakenyong pasyente.

    “I am surprised. I am impressed. I am flabbergasted,” sabi ni Ona matapos pasinayaan ang dagdag na pasilidad ng BMC

    Kabilang dito ang bago at mas malawak na emergency room, out-patient department complex at ang dagdag na gusali para sa maternity ward.

    Ang pagpapasinaya ay sinaksihan ng mga opisyal ng mga pamahalaang lokal, mga doctor ng ibat-ibang bayan, at pinangunahan nina Ona, Gob. Wilhelmino Alvarado, at Obispo Jose Oliveros na nagbasbas sa mga pasilidad.

    Ayon kay Ona, hindi imposibleng umangat sa level 3 at level 4 ang kategorya ng BMC sa mga darating na panahon.

    Ito ay dahil sa patuloy na renobasyon at pagdadagdag ng mga pasilidad nito sa pangunguna ni Alvarado.

    Sinabi niya na halos kasing ganda na ito ng East Avenu Medical Center sa Lungsod ng Quezon.

    Para naman kay Alvarado, nais pa nilang higit na paunlarin ang serbisyo ng BMC sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga kagamitan katulad ng CT Scan, MRI, X-Ray, Mammogram machine at iba pa.

    Matatandaan na sa unang taon ng panunungkulan ni Alvarado ay pinasinayaan niya ang dialysis center ng BMC.

    Hindi nagtagal ay pinasimulan nila ang operasyon ng oncology center kung saan ay nilalapatan ng lunas ang mga may sakit na kanser.

    Ayon kay Alvarado, pangarap din niya na mapaunlad ang oncology unit ng BMC at maging cancer center ito.

    Bukod sa mga dagdag na pasilidad, pinalawak din ni Alvarado ang serbisyo ng BMC at iba pang pagamutang pampubliko sa lalawigan.

    Kabilang dito ang pagbibigay ng libreng gamot, konsultasyon, at pagpapagamot sa mga nagkasakit ng dengue.

    Patuloy din ang pagbibigay ng libreng bakuna ng BMC para sa mga nakagat ng aso at iba pang hayop tulad ng pusa upang malabanan ang kaso ng rabies.

    Iniulat din ni Alvarado na nasimulan na ang konstruksyon ng mga dagdag na district hospital sa Plaridel, Pandi, Angat, Norzagaray, Obando.

    Pinag-aaralan na rin nila ang pagtatayo ng District Hospital sa Marilao at Meycauayan.

    “We have equitably distribute social and health services sa mga Bulakenyo,” ani ng gobernador.

    Binigyang diin niya na sa mga nagdaang taon ay parang nabuhos ang pagpapala ng Diyos sa unang ditrito ng lalawigan dahil halos apat na district hospitals ang matatagpuan sa mga bayang nasasakop nito.

    Ito ay ang Emilio G. Perez Memorial District Hospital sa Hagonoy, Calumpit District, Hospital, Gregorio Del Pilar District Hospital sa bayan ng Bulacan; at ang F.T.Reyes Hospital sa islang barangay ng Pamarawan sa Malolos na nagsisilbing pagamutan ng mga residente sa baybaying dagat ng Bulacan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here