Dagdag na OFWs kailangan sa Taiwan

    298
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Nangangailangan pa ng dagdag na overseas Filipino workers (OFW) ang Taiwan, ayon kay Raymond Wang, ang kinatawan ng Taipei Economic Cultural Office (TECO) sa Pilipinas.

    Bukod dito, ipinahayag din ni Wang na maraming negosyante mula sa Taiwan ang interesadong magnegosyo sa bansa, partikular na sa Bulacan.

    Kaugnay nito, umaasa naman ang Taiwan para sa mas matibay na relasyong pangkalakalan sa bansa at sa lalawigan.

    “We are hoping to import more workers and hire OFWs to Taiwan,” ani Wang sa panayam ng Punto noong Huwebes ng gabi kaugnay ng kanyang pagbisita sa Bulacan na tinampukan ng pagbibigay ng 800 tonelada ng bigas na tinawag na “Love from Taiwan.”

    Ayon kay Wang, umaabot sa 90,000 ang bilang ng mga OFW sa Taiwan na kinikilala nila sa pagtulong sa pagsusulong ng kanilang ekonomiya.

    Ang mga nasabing OFW naman ay nakapaguwi ng kabuuang $650-milyon dolyar sa bansa na naging bahagi ng foreign reserves ng Pilipinas.

    “They helped our economy moving, they are also helping yours through their remittances which sent children to schools,” ani Wang na ang katumbas ay isang embahador, ngunit dahil sa walang pormal na relasyong diplomatiko ang Pilipinas sa kanyang bansa, tinawag siya bilang kinatawan.

    Bukod naman sa pagbubukas ng pinto para sa mga OFWs, sinabi din ni Wang na nakahanda ang mga kababayan niyang negosyante na magnegosyo sa lalawigan.

    Ito ay upang higit na mapatibay ang relasyong pangkalakalan at pangkalinangan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

    Hinggil naman sa China-ASEAN Free Trade Agreement (CAFTA), sinabi niya na nais ng Taiwan na maging bahagi ng usapan o dayalogo hinggil dito.

    “We want to contribute as a responsible stakeholder in the free trade agreement,” aniya.

    Sinabi pa niya na natapos na ang kasunduan ng Taiwan at China hinggil sa economic provisions framework ng CAFTA na ipatutupad sa lalong madaling panahon.

    “We are hoping to do the same thing with your country, mainly the economic provisions because it will be implemented soon,” ani Wang.

    Si Wang ay bumisita sa Bulacan noong Huwebes upang ihatid ng 800 toneladang bigas bilang ayuda sa mga naapektuhan ng bagyong Pedring at Quiel.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here