IBA, Zambales (PIA) — Namahagi ng mga fertilizer discount voucher
May 1,486 indibidwal ang nakinabang dito sa ilalim ng National Rice Program.
Ayon kay OIC – Provincial Agriculturist Crisostomo Rabaca, nilalayon ng programa na matulungan ang mga magsasaka dahil sa pagtaas ng presyo ng mga abono at upang tumaas ang kanilang ani.
Aniya, ang mga kwalipikadong makatanggap nito ay ang mga magsasakang rehistrado sa Registration of Basic Sector in Agriculture at Farmers and Fisherfolks Registry System na may hindi lalagpas sa limang ektarya ang sakahan.
May kabuuan na apat na libong piso halaga ng abono bawat ektarya ang makukuha ng mga magsasaka sa mga accredited na merchants ng DA.
Dagdag pa ni Rabaca, lahat ng bayan sa lalawigan ay may mga alokasyon at kasalukuyan ang distribusyon ng vouchers at pag-claim ng mga abono.
Nagpaalala naman ang opisyal na i-claim agad ang discount voucher dahil meron lamang itong itinakdang panahon ng pagkuha.
Nanawagan rin siya na huwag itong ibenta dahil may kaakibat na kaparusahan ang sinumang mahuhuli.
Ang fertilizer discount voucher ay para lamang sa mga magsasaka na nagtanim ngayong second cropping season 2023 – 2024 o mula Setyembre 16 hanggang Marso 15. (CLJD/RGP-PIA 3)