LUNGSOD NG BALANGA — Sa ulat ng provincial health office ngayong Biyernes, may isa na namang bagong namatay sa coronavirus disease sa Bataan noong Huwebes matapos maitalang may isa ring pumanaw noong Miyerkules.
Ang nasawi sa mapanganib na virus noong Miyerkules ay isang 29-anyos na lalaki sa Pilar samantalang isang 84-anyos na babae naman mula sa Morong ang namatay noong Huwebes. Umabot na sa 96 ang bilang ng mga pumanaw sa Covid – 19 sa lalawigan.
Umakyat sa 4,128 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso na ang 163 ay mga aktibo matapos magtala ng 25 bagong nagpositibo na ang walo ay mula sa Dinalupihan, anim sa Balanga City, tig-dalawa sa Abucay, Mariveles, Pilar at Samal at tig-isa sa Bagac, Morong at Orani.
Ito ang pangalawang pinakamataas na bilang ng mga bagong nagpositibo sa isang araw mula noong Enerong taong ito. Noong Miyerkules ay may 39 na bagong kumpirmadong kaso.
Sa mga bagong kumpirmadong kaso ay apat ang mga bata na ang gulang ay mula anim hanggang 12 taon samantalang anim naman ang matatanda na mula 60 hanggang 94 taong gulang.
Apat ang mga bagong nakarekober, na lahat mula sa Dinalupihan, kaya tumaas sa 3,869 ang kabuuang bilang nito.
Patuloy naman ang pagbabakuna sa mga medical frontliners na mula noong ika-8 ng Marso 2021 ay 4,528 na ang nabakunahan. Nakatanggap ang lalawigan ng 6,215 vaccine doses sa national government, sabi ni PHO chief Dr. Rosanna Buccahan.
Samantala, nagpalabas ng utos si Gov. Albert Garcia bilang chairman ng provincial inter-agency task force na hindi muna papapasukin sa Bataan ang mga hindi residente at hindi authorized persons outside residence (APOR) na mula sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal o ang tinatawag na NCR+.
Alinsunod sa itinakda ng National IATF, mga essential travelers lamang o ang mga residente at APOR na may mahahalagang biyahe ang maaring lumabas sa NCR+ kaya sila lamang ang papapasukin sa Bataan.
Sinabi ng governor na epektibo ang nasabing alituntunin hanggang ika-4 ng Abril upang maiwasan ang pagkalat ng Covid–19 lalo na sa darating na panahon ng Semanta Santa.
Para naman sa hindi residente at hindi APOR mula sa ibang lugar, kakailanganing magpakita umano sa checkpoints ng Get-PASS QR Code at Negative RT-PCR Test Result bago payagang makapasok sa boundaries ng lalawigan.