LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia nitong Huwebes na kabilang ang isang pitong buwang sanggol sa 38 na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na ang kabuuang bilang ay umakyat na sa 1,332.
Ang sanggol ay isang lalaki mula sa Balanga City na kabilang sa tatlong nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19. Ang iba pa ay isang 32-anyos na babae mula sa Limay at 30-anyos na lalaki mula sa Bagac.
Ang iba pang nagpositibo ay 25 na mga in-patients sa isang ospital sa lalawigan. Ang mga ito ay 23 mula sa Mariveles at tig-isa sa Pilar at Dinalupihan. Kabilang din sa 38 bagong kaso ang limang health workers – tatlo mula sa Mariveles at tig-isa sa Limay at Balanga City.
Ang iba pa sa mga kumpirmadong kaso ay tig-dalawa mula sa Mariveles at Balanga City at isa mula sa Pilar.
Umabot naman sa 710 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober matapos gumaling ang 25 na tig-siyam mula sa Limay at Pilar, tatlo sa Mariveles, dalawa sa Dinalupihan, at tig-isa sa Hermosa at Balanga City.
Kabilang sa mga bagong gumaling ang limang bata – isang taong gulang, 13-anyos, kapwa babae at 10-anyos na lalaki, lahat mula sa Limay; 9-anyos na lalaki mula sa Dinalupihan at isang taong gulang na babae mula sa Pilar.
Ang bilang ng aktibong kaso ay 602 habang ang pumanaw na ay 20.
Mula sa 16,124 na sumailalaim sa Covid-19 test, 14,525 ang nagnegatibo na at 267 ang nagjihintay pa ng resulta.